NALUBOG sa limang talampakang baha mula sa tubig-alat nitong nakaraang linggo ang Venice, ang sikat na lagoon city ng Italy, tahanan ng 50,000 residente at dinarayo ng 36 na milyong katao mula sa iba’t ibang panig ng mundo bawat taon. Iyon ang pinakamalalang linggo para sa high tides sa Venice simula noong 1872. Isinara ang sikat nitong square, ang St. Mark, kasabay ng pagdeklara ng mga opisyal ng state of emergency.
Inulan ang iba pang bahagi ng Italy at sa katimugan, nagbabantang umapaw ang Arno river na magpapabaha sa mga lungsod ng Florence at Pisa. Ngunit sa Venice kung saan pinakamalaki ang pinsala, sinira ng high tide ang mahigit 50 simbaha, kabilang ang makasaysayang St. Mark’s Basilica, kasama ang libu-libong tindahan at bahay sa tourist city. Inilubog ng mataas na baha nitong Martes ang halos 80 porsiyento ng lungsod, sinabi ng mga opisyal.
Sinabi climate scientists na ang Venice ay harbinger ng mga problemang kinakaharap ng lahat ng coastal cities sa pagkatunaw ng polar ice sheets dahil sa tumataas na temperatura, na nagdudulot ng pagtaas ng antas ng dagat. Sinabi ng Inter-government Panel on Climate Change na dahil sa tumataas na karagatan, ang matinding pagbaha na dating tumatama sa Venice isang beses kada sandaang taon ay inaasahang mangyayari na kada anim na taon pagsapit ng 2050, at kada limang buwan sa 2100.
Nitong unang bahagi ng buwan, naglathala ang Climate Central, isang science organization na nakabase sa New Jersey, United States, ng pag-aaral na nagpapakita na 150 milyon katao ngayon ang nabubuhay sa lupa na magiging below the high-tide line pagsapit ng 2050, may 30 taon simula ngayon.
Ang pinakamalaking banta ay tila nasa Asia, partikular na sa China, Bangladesh, India, Vietnam, Indonesia, at Thailand, kung saan maraming lungsod sa lupa ay nanganganib sa banta ng tumataas na dagat. Sinasabing nahaharap sa pinakamalaking panganib ang mga lungsod ng Ho Chih Minh – ang dating Saigon -- sa Vietnam, Shanghai sa China, at Mumbai sa India. Hindi nabanggit sa ulat ang alinman sa mga lungsod sa Pilipinas, ngunit mayroon tayong maraming komunidad sa ating libu-libong isla, na maaaring mabura sa pagtaas ng karagatan.
Sa United Nations climate conference sa Paris 2015, ang mga bansa mundo, kabilang na ang Pilipinas, ay nagsumite ng national action plans kung saan nangako silang babawasan ang carbon emissions, gaya ng nagmula sa coal-fired electric power plants at libu-libong sasakyan at eroplano.
Sinabi ng ilang scientists na marahil ay natatalo tayo sa karera para mabawasan ang carbon emissions, gaya ng ipinakita ng matinding high tide at baha na tumama sa Venice nitong nakaraang linggo. Ngunit ang mga nasyon sa mundo ay hindi dapat bumitaw sa kanilang mga pagsisikap. Sa isang usapin na may napakaraming nakataya, kailangan natin – sa kabila ng kawalang katiyakan – na gawin ang lahat ng pagsisikap para mapigilan ang climate change sa ating sariling national program of action na isinumite natin sa Paris noong 2015.