Inilabasna kamakailan ang mga nominado para sa gaganping ika-37 Luna Awards, sa Nobyembre 30, Sabado.
Natatangi ang event ngayong taon dahil sa tatlong bagay.Una, espesyal na edisyon ang Luna Awards 2019 dahil magaganap ito sa pagdiriwang ng sentenaryo ng Pelikulang Pilipino. Magkakaroon ng segment sa Luna Awards Night tungkol sa Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino upang ipagpatuloy at ipalaganap ang paggunita nito. Na base na rin sa Proklamasyon ng Pangulo Blg. 622, s. 2018, ang opisyal na pagdiriwang ng Philippine Cinema Centennial ay mula Setyembre 12, 2019 hanggang Setyembre 11, 2020.
Pangalawa, dalawang klase ng tropeo ang igagawad sa Luna Awards ngayong taon. Ang tropeyo ng Luna Awards ay ibibigay sa mga propesyonal sa pelikula na may mahuhusay na obrang pasok sa eligibility period mula Enero 1, 2018 hanggang Disyembre 31, 2018. Isinagawa ang peer voting sa 12 na kategorya kung saan ang mga nominado ay ibinoto ng mga propesyonal na galing sa parehong sektor. Mula sa 16 na pelikulang nakatanggap ng nominasyon ngayong taon, apat ang may pinakamaraming nominasyon: ang Signal Rock ni Chito Roño at Liway ni Kip Oebanda ay may tig-siyam na nominasyon habang may tig-walong nominasyon ang Buy Bust ni Erik Matti at Goyo: Ang Batang Heneral ni Jerrold Tarog. Tatanggap ng Special Awards sina Lily Monteverde ng Regal Films para sa Fernando Poe, Jr. (FPJ) Lifetime Achievement Award at ang nominado para sa Best Supporting Actress na si Nova Villa para sa Manuel de Leon Award for Exemplary Achievement. Ang posthumous Lamberto Avellana Memorial Award ay igagawad sa mga direktor na sina Wenn Deramas at Soxie Topacio.
Samantala, ang pangalawang set ng tropeyo ay ang mga commemorative trophy ng Sine Sandaan. Kikilalanin ang 30 na film outfit bilang Sine Sandaan: Production Companies of the Philippines Luminaries para sa kanilang mga napakahalagang kontribusyon sa industriya ng Pelikulang Pilipino. Ten studio at 20 independent production companies ang pararangalan: Nepomuceno Productions, LVN Pictures, Inc., Sampaguita Pictures, Inc., Premiere Productions, Inc., Lebran Productions, Regal Entertainment, Inc., Seiko Films, Inc., Viva Entertainment, Inc., Star Cinema (ABS-CBN Films), GMA Films, FPJ Productions, Inc., AM Productions, NV Productions, LEA Productions, Inc., Reyna Films, Tagalog Ilang-Ilang Productions, Inc., RVQ Productions, Inc., J.E. Production, Quantum Films, APT Entertainment, Inc., Unitel Productions, Inc., OctoArts Films International, M-ZET Productions, Inc., Spring Films, TBA Studios, The IdeaFirst Company, Reality Entertainment, Center Stage Productions, Inc., Ten17P Productions, at Imus Productions, Inc.
Pangatlo, nagsanib-puwersa sa unang pagkakataon ang Film Academy of the Philippines (FAP) at Film Development Council of the Philippines (FDCP) upang isagawa ang Luna Awards. Sa mga nakalipas na taon ay nagbigay-suporta ang FDCP sa FAP, pero ito ang unang pagkakataong magiging co-organizer ang FDCP kasama ang FAP. Magaganap ang Luna Awards Night sa Maybank Performing Arts Theater sa Bonifacio Global City, Taguig City. Tiyak na star-studded ang ika-37 na Luna Awards dahil dadaluhan ito ng mga beterano, batikan, at artista na pangungunahan nina FAP Director-General Vivian Velez at FDCP Chairperson at CEO Liza Dino.
Isang Philippine Cinema extravaganza ang magaganap na Luna Awards Night dahil sa mga musical performance at production number na pakaaabangan, kabilang ang Tribute para kina Willy Cruz at George Canseco na parehong bahagi ng Luna Awards Hall of Fame. Natatangi rin ang listahan ng mga guest, performer, presenter, nominee, at awardee. Ang Luna Awards Night ay sa ilalim ng direksyon ng mang-aawit at manunulat na si Ice Seguerra.
Sampung araw bago ang Luna Awards Night, nagsagawa ang FAP at FDCP ng Nominees’ Night noong Nobyembre 20 sa Delgado.112 restaurant sa kalye ng Scout Delgado sa lugar ng Tomas Morato, Quezon City. Sa Nominees’ Night ipinakilala ang mga nominado sa mga kasapi ng press, kinilala ang mga natatanging gawa ng mga nominado, at nagkaroon ng mas mabuting pakikipagkaibigan ang mga kasapi ng showbiz at industriya ng pelikula.
Ang ika-37 na Luna Awards sa Nobyembre 30 ay gaganapin sa Maybank Performing Arts Theater,BGC,at ito’y isang strictly invitational at Black Tie Optional event. Magsisimula ang Red Carpet Ceremonies ng 5:30 ng hapon. Susundan ito ng Cocktail Reception ng 6:00 ng gabi at magaganap ang Awards Ceremony ng 8:00 ng gabi. Ipapalabas sa pamamagitan ng livestream ang Red Carpet at Awards Ceremony sa FDCP Facebook page (na may username na Film Development Council of the Philippines).
Narito ang mga nominado sa pangunahing katergorya:
BEST MOTION PICTURE
Liway (Exquisite Aspect Ventures, VY/AC Productions, and Cinemalaya)
Buy Bust (Viva Films and Reality Entertainment)
Signal Rock (CSR Productions)
Goyo: Ang Batang Heneral (TBA Studios and Globe Studios)
Gusto Kita with All My Hypothalamus (Epicmedia Productions, CineFilipino, Unitel, and Cignal Entertainment)
BEST DIRECTOR
Chito Roño (Signal Rock)
Dwein Baltazar (Gusto Kita with All My Hypothalamus)
Erik Matti (Buy Bust)
Kip Oebanda (Liway)
Irene Villamor (Meet Me in St. Gallen)
BEST ACTOR
Eddie Garcia (Rainbow’s Sunset)
Christian Bables (Signal Rock)
Nicco Manalo (Gusto Kita with All My Hypothalamus)
Daniel Padilla (The Hows of Us)
Dingdong Dantes (Sid & Aya)
BEST ACTRESS
Angelica Panganiban (Exes Baggage)
Glaiza de Castro (Liway)
AiAi delas Alas (School Service)
Anne Curtis (Sid & Aya)
Agot Isidro (Changing Partners)
BEST SUPPORTING ACTOR
Arjo Atayde (Buy Bust)
Soliman Cruz (Liway)
Carlo Aquino (Goyo: Ang Batang Heneral)
Epy Quizon (Goyo: Ang Batang Heneral)
Mon Confiado (Signal Rock)
BEST SUPPORTING ACTRESS
Aiko Melendez (Rainbow’s Sunset)
Daria Ramirez (Signal Rock)
Max Collins (Citizen Jake)
Nova Villa (Miss Granny)
Sunshine Dizon (Rainbow’s Sunset)
BEST SCREENPLAY
Carmi Raymundo, Gilliann Ebreo, Crystal San Miguel, and Cathy Garcia-Molina (The Hows of Us)
Rodolfo Vera (Signal Rock)
Rodolfo Vera and Jerrold Tarog (Goyo: Ang Batang Heneral)
Irene Villamor (Meet Me in St. Gallen)
Zig Dulay and Kip Oebanda (Liway)
BEST CINEMATOGRAPHY
Neil Derrick Bion (Buy Bust)
Neil Daza (Gusto Kita with All My Hypothalamus)
Pong Ignacio (Liway)
Neil Daza (Signal Rock)
Tey Clamor (Ang Babaeng Allergic sa WiFi)
-ADOR V. SALUTA