AYON kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, may “reservation” si Pangulonog Duterte kung pagkakatiwalaan si Vice President Leni Robredo ng mga sensitibong impormasyon dahil sa mga maling hakbang niya, kabilang na dito ang kanyang pagkokonsulta sa mga kaaway ng estado na tinawag na ang war on drugs ng Pangulo ay labag sa karapatang pantao at krimen laban sa pagkatao ng tao. Ang nakaragdag pa rito ay ang masidhi niyang pagnanais na matunghayan ang mga classified information. Ilalagay niya, aniya, sa panganib ang kapakanan ng mamamayan at ang seguridad ng bansa. Sa panayam sa Pangulo nitong Lunes ng gabi, sinabi niya na hindi niya hinirang si VP Leni bilang miyembro ng Gabinete nang gawin niya itong drug czar. Mahilig kasi itong dumaldal kaliwa’t kanan na makokompormiso ang mga sensitibong impormasyon na maririnig niya kapag siya ay dumalo sa mga pulong ng Gabinete. Magkaiba raw ang kanilang partido.
Namomroblema na ang Pangulo sa ginawa niyang paghirang kay VP Leni bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs. Anuman ang layunin ng Pangulo, bitag ang kanyang inilatag para pasukin ng Bise-Presidente. Pinalamutian pa niya ito upang maging kaaya-aya para sa nais niyang mangyari. “Lahat ng kapangyarihan ko kaugnay sa war on drugs ay isusuko ko kung tatanggapin niya ang aking alok. Sinasabi niyang magaling siya, tingnan natin,” wika ng Pangulo noon. Eh, pumasok sa bitag si VP Leni. Ang katwiran niya ay nakahanda siyang magsakripisyo kung ito naman ang kabayaran ng masasagip niyang kahit isang inosenteng buhay sa pagpapairal ng war on drugs. Hindi na alam ng administrasyon kung paano nito pagaganahin ang bitag upang durugin ang Pangalawang Pangulo. Hindi na niya mabawi ang appointment nito. Ayon kay Panelo, pinagkakatiwalaan pa rin ng Pangulo si Robredo.
Wala nang magagawa ang Pangulo kundi ang gawing makipot ang gagalawan ni Robredo hanggang sa wala na siyang magawa. Lahat ng paraan ng panggigipit ay ipalalasap niya hanggang si Robredo ay kusang bumitiw sa pwesto. Dahil sa ngayon, ito ang sabi ni Robredo bilang kanyang reaksyon sa pagkait sa kanya ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency ng listahan ng kanilang high value target: “Ayaw kong ubusin ang aking oras sa pagkikipagtalo. Pipilitin kong kahit paano ay makakuha ng impormasyon na kinakailangan ko, pero naiintindihan ko na sila pa rin ang makapagpasiya kung ako ay babahaginan nila nito. Nang tanggapin ko ang trabaho, alam ko na may mga aspeto na hindi ko kayang kontrolin. Pero, ginamit ko ang lahat ng oras sa loob ng dalawang linggo kong panunugkulan para ayusin ang lahat para sa kampanya laban sa illegal na droga.” Maipalam lang ni VP Leni sa taumbayan ang mga taong nasa likod ng pagkalat ng mga droga sa bansa, nagampanan na niya ang kanyang tungkulin. Ipaubaya na niya sa taumbayan kung paano nila pupuksain ang mga ito. Tinatahak niya ang wastong daan sa pagpapairal ng war on drugs at sa direksyong ito matutumbok niya ang pinakaugat ng salot na nagagawa pang itago ng mga maramihang pagpatay.
-Ric Valmonte