NAMAYANI ang University of Santo Tomas kontra sa first-time finalist Ateneo de Manila upang makamit ang titulo ng UAAP Season 82 Women’s Table Tennis Tournament nitong Miyerkules sa Blue Eagle Gym.

“Ang pinaka-aim ng UST is mag-champion both men’s and women’s. And the women’s they did not let it go; fight pa rin sila kahit lamang na yung kalaban,” pahayag ni UST coach Lorinda Wadjad.

Hindi naman naging madali ang naging tagumpay ng Tigresses na pormal nilang nakamit kasunod ng 14-12 na panalo ni Danica Alburo kontra kay Lady Eagle Kathleene Bulaquena sa fifth set ng deciding singles match.

Nagbanta pang hihirit ng Game 3 ang Ateneo matapos lumamang, 2-0 sa pamamagitan nina Rookie of the Year Kaela Aguilar at kapwa rookie Ann Borbon kasunod ng panalo ni Aguilar kay Sherlyn Gabisay at ni Borbon kontra kay Ciara Derecho.

Ngunit, pinutol nina Leigh Villanueva at Emery Digamon ang kanilang ratsada matapos ipanalo ang Tigresses sa doubles match, 12-10, 11-7, 5-11, 11-8.

'I really love you kuya!' Tapatang Pacquiao brothers, ekis mangyari!

Dahil sa ipinamalas nitong liderato, nakamit ng sophomore team captain na si Gabisay ang Most Valuable Player award.

Nakumpleto ng UST ang sweep nang gapiin ng Tiger Paddlers ang National University, 2-1, sa kanilang best-of-three series. Ito ang ika-28 kampeonato sa table tennis ng UST.

“Two months before the UAAP, talagang nagbago tayo ng lineup agad. So, nasira yung plan natin,” sambit ni UST mentor Jackson Que. “Pero thank God, nabuo pa rin yung team at nagperform pa rin yung mga players.”

Sa junior division, nakumpleto rin ng De La Salle Zobel ang sweep sa boys and girls team title nang pabagsakin ang University of Santo Tomas sa magkahiwalay ng championship match.

“We want to regain that championship talaga. Sa dami ng pinaghirapan namin, sa dami ng downs and ups, sa wakas nakuha din namin ngayon,” sambit ni DLSZ head coach Alfonso Glorioso Jr.