GAYA ng inasahan ng marami sa simula, hindi magtatagal ang papel ni Vice President Leni Robredo bilang “drug czar”.

Si Robredo, tulad ng iba pa sa oposisyon, ay naging mapuna sa kampanya kontra droga dahil sa libu-libong namamatay sa gitna ng kampaya ng pulisya. Nangako si Pangulong Duterte na tatapusin ang kampanya sa loob ng tatlong buwan, na naging anim na buwan, at kalaunan ay pinalawig sa kabuuan ng kanyang anim na taong termino nang mapagtanto na mas malaki ang problema kaysa naunang inakala.

Sa harap ng patuloy na pagbatikos ng oposisyon, sinabi ng Pangulo noong Oktubre 28 sa Malacañang na kung sa tingin ng Bise Presidente ay mas magaling siya, “I will surrender the power to enforce the law. I will give it to the vice president. I will let her have it for six months.” Hindi pinansin ni Robredo ang alok ng Pangulo.

Nitong Oktubre 31, ginawang opisyal ng Pangulo ang alok. Naglabas siya ng memorandum kay Robredo: “Pursuant to the provisions of existing laws, rules and regulations, you are hereby designated as co-chairperson of the Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs to lead the government’s efforts against illegal drugs until 30 June, 2022, unless sooner revoked.” Ginulat ang lahat, tinanggap ni Vice President Robredo ang appointment.

Kasunod nito ay nakipagpulong siya sa mga opisyal ng ICAD sa pamumuno ng chairman nitong si Director-General Aaron Aquino ng Philippine Drug Enforcement Agency. Nakipagpulong din siya sa mga lokal na opisyal ng United Nations at ng United States para hilingin ang kanilang suporta, aniya, para sa anti-drugs campaign ng Pilipinas. Binalaan siya ng mga opisyal ng administrasyon laban sa pagsisiwalat ng anumang “state secrets” sa mga banyagang opisyal na ito. Maaari siyang masibak kapag ibinahagi niya ang mga confidential information sa drugs war sa ibang bansa, babala ni spokesman Salvador Panelo.

Nitong Lunes, tiniyak ni Robredo na ligtas ang anumang sensitibong impormasyon na kanyang hawak. Ngunit sinabi ni Philippine National Police officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa na hindi na niya kailangang malaman kung sinu-sino ang mga tinatawag na “high-value targets of the anti-drugs drive; she should just focus on the rehabilitation of drug addicts. Law enforcement should be left to those who know it, which is the PNP, POEA, the NBI for law enforcement and the Department of Justice for justice.” Sa parehong araw, sinabi ng Pangulo na hindi siya nito itinalaga sa isang Cabinet position.

Hindi nga talaga mukhang “anti-drugs czar” si Vice President Robredo gaya ng itinatawag sa kanya ng maraming tao. Siya ay co-chairman lamang ng ICAD, ang organisasyon na nangunguna sa anti-drugs campaign, at ang chairman ang siya pa ring leading figure sa kampanya. Si Robredo ay nasa balita lamang araw-araw dahil siya ang gumagawa ng mga hakbang na sa tingin ng marami ay dapat na ginagawa ng ICAD.

Sa ganitong mga paghihigpit at sa mga paalala na hindi naman talaga siya ang bagong ”anti-drugs czar,” malamang na hindi na itutuloy ni Robredo ang lahat ng kanyang mga plano para sa anti-drugs campaign. Ngunit hindi rin siya ang tipong uupo lamang sa kanyang opisina at magkapit-tuko sa posisyon ng vice-chairman nang walang tunay na awtoridad o kapangyarihan.