SA panahong lugmok siya at walang masulingan at halos mawalan na ng pag-asa, hindi iniwan at hindi pinabayaan ng Letran community si Knights team captain Jerrick Balanza.
Kaya naman bilang pagpapasalamat, tinapos ni Balanza ang kanyang collegiate career sa pamumuno sa kanilang koponan sa pag-angkin ng NCAA Season 95 Men’s Basketball crown.
Nagposte si Balanza ng game-high 27 puntos upang pamunuan ang Knights sa 81-79 panalo sa Game 3 noong Martes ng gabi sa Mall of Asia Arena.
“As a captain, kailangan kong patunayan sa team, and sa Letran community, tsaka, katulad nung una kong sinabi, kung sinong mas gusto manalo eh, so ako ginusto ko talaga, lahat ng takot ko sa tira,inalis ko yun, talagang nilabanan ko,so yun,” ani Balanza. “Maganda yung outcome at nag-tuloy tuloy siya.”
Matatandaang inalalayan at tinulungan si Balanza ng mga kapwa nya Letranista na makabalik mula sa pagka-sideline nito mula noong kalagitnaan ng nakaraang Season dahil sa pagkakaroon ng tumor sa utak sanhi ng naging impeksiyon sa kanyang tainga.
Naoperahan sya at naging matagumpay ito noong Setyembre ng nakalipas na taon at sa tulong pa rin ng mga taga Letran nakabalik sya at muling nakapaglaro noong nakaraang Hulyo.
“Sobrang bait ni God, talaga, sobra, dahil talagang lugmok na lugmok na ako nung time na yun eh,” ani Balanza. “Wala akong ginawa kung hindi maniwala lang sa Kanya at maging positibo, so ayun, sobrang sarap lang ng pakiramdam na napasalamatan ko yung Letran community and sa lahat ng naniwala sa amin sa pamamagitan ng championship.”
“Ito na, ito na yung ginawang way para mapasalamatan ko sila. Hindi ko man sila mapasalamatan isa-isa, ito na siguro yung ginawang way ni God.” dagdag nito.
Nagsilbi din si Balanza na inspirasyon para sa kanyang mga kakampi at naging lakas sa panahon na pinanghihinaan sila ng loob gaya ng makahulagpos sa kanila ang panalo noong Game 2 ng finals.
“After ng Game 2, talagang sobrang down, yung iba akala nila hindi na kami mananalo sa Game 3, pero hindi, ako as a captain, kailangan ko silang dalhin para maglaro kami sa Game 3, and sinimulan namin sa ensayo, na parang kami na yung champion, so yun, maganda yung kinalabasan.”
Katulong ang mga kapwa beteranong sina Bonbon Batiller at Finals MVP Fran Yu upang pamunuan ang Letran sa kampeonato.
“Sa amin naman kasi talaga ito eh,” Balanza said with confidence. “Ako, vision ko na, na pag balik ko, magcha-champion kami kasi yun ang pinaka-magandang plano ni God para sa akin and sa team, so ‘yun, tignan mo ngayon, ilang [buwan] lang, nangyari na.Thank you, Lord, napaka-buti niyo sa akin,” wika pa ni Balanza.
-Marivic Awitan