NAKAMIT ng National University ang nalalabing tiket sa UAAP Season 82 men’s table tennis Finals nang gapiin ang De La Salle University, 3-2, sa Stepladder semifinals nitong Martes sa Blue Eagle Gym.
Haharapin ng Bulldogs ang walang talong University of Santo Tomas Tiger Paddlers sa Finals.
“Sinabihan ko lang si Diaz na gumalaw saka tapang lang, yun yung inadvice ko bago mag last game, kasi nakita ko humihinto siya eh,” sambit ni NU coach Judit Yulde.
Binasag ni Diaz ang 2-2 tabla sa pahirapang desisyon kontra Enric Remitio, 12-10, 8-11, 9-11, 11-9, 11-9.
Naghabol sa 0-2, nagawang makatabla ng La Salle sa panalo ng tambalan nina Christian Crisostomo at Daniel Ocon, at sa singles event ni Tarak Cabrido.
Sa women’s division, naisaayos ng defending champion University of Santo Tomas at Ateneo ang Finals match matapos ang parehong impresibong panalo.
Binokya ng UST ang Far Eastern University, 3-0, habang naungusan ng Ateneo ang De La Salle University, 3-1.
“The best things to plan against Ateneo in the finals are lineups and preparation. Nandoon kasi ang winning point talaga, yung pag assign ng players,” pahayag ni ady Paddlers coach Lori Wadjad.