PARA sa Malacañang, bagamat ang kalusugan si Pres. Rodrigo Roa Duterte ngayon ay hindi okey na okey o sa English ay “not in the pink of health,” maituturing na ayos naman ang kanyang kalusugan o kung gagamitin ang paglalarawan ni presidential spokesman Salvador Panelo ay “nasa green of health.”
Marami ang nagtataka at nagtatanong kung ano ang ibig sabihin ng “green of health” ni Spox Sal. Sa English language ay walang idioma o idiom na “green of health,” pero may “pink of health,” na ayon sa Cambridge Dictionary, ang ibig sabihin ay ayos na ayos ang kalusugan.
Ayon sa ulat, nang tanungin si Panelo kung ano ang ibig niyang sabihin sa “berdeng kalusugan,” ito ang tugon ng tagapagsalita ng Malacañang: “Kung ano yung sakit ng mga matatanda sa edad niya.” Si Mano Digong ay 74 na. Si Panelo kaya ay ilang taon na?
Ipinaliwanag ni Panelo na sa kabila ng edad at mga sakit ng Pangulo, ito ay aktibo pa rin, patuloy sa pagtatrabaho at pagpunta sa mga okasyon, tulad ng burol ng mga napatay na pulis at sundalo. Pumunta rin yata si PRRD sa lamay ng yumaong ama ng mga Barreto, sa burol ni John Gokongwei at sa anak ni Lucio Tan, si Lucio “Bong” Tan Jr.
Habang sinusulat ko ito, nakatakdang makipagpulong si Vice Pres. Leni Robredo sa mga lider ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at sa mga opisyal ng foreign embassies.
Nakapulong na niya ang mga kinatawan ng United Nations Office on Drugs and Trade (UNODC) at mga opisyal ng US Embassy sa Maynila bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na baguhin o pagbutihin ang isinusulong na giyera sa iligal na droga ng ating Pangulo.
Ayon kay beautiful Leni, gusto niyang makausap ang mga obispo ng CBCP tungkol sa adaptation ng Ugnayan ng Barangay at Simbahan (UBAS), isang anti-drug campaign, na inumpisahan ng kanyang yumaong ginoo na si ex-DILG Sec. Jesse Robredo.
“Makikipagpulong ako sa CBCP. Hihingin ko ang kanilang tulong para pasiglahin at buhayin ang UBAS. Makikipagpulong din si VP Leni sa mga pinuno ng mga Embahada ng Japan, Australia, Thailand sa layuning makatulong kay PDu30 sa kampanya laban sa illegal drugs.
May malaking problema umano sa pagpasok ng mga supply ng shabu sa Pilipinas, na karamihan ay mula sa transnational shipment. Sinabi niya kamakailan, ang shabu ay mula sa ibang bansa, partikular sa China. Itinama siya ni PDEA Director-General Aaron Aquino at sinabing karamihan sa bultu-bultong shabu at iba pang iligal na droga ay galing sa tinatawag na Golden Triangle na binuubuo ng Laos, Cambodia, Myanmmar.
Nagbabala si PRRD na posibleng sibakin niya si Robredo bilang drug czarina at co-chairperson ng ICAD kapag isinapubliko niya ang narco-list na hawak ng mga awtoridad. Nagbabala rin ang Malacañang na “siya ay naglalakad sa peligrosong landas” kapag inimbitahan niya ang mga dayuhan na kritikal sa kampanya ni PRRD sa illegal drugs.
Ayon kay Panelo, ang paghahayag ng mga sikreto ng Estado (state secrets) sa mga dayuhan at pag-welcome sa kanila na pumunta sa ‘Pinas, ay pagyurak sa soberanya ng bansa. Sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na batid ni Robredo ang pagiging sensitibo at kahalagahan ng state secrets. Hindi niya ito gagawin.
-Bert de Guzman