ANG malamig na simoy ng Pasko ay kumakatok na sa pinto ng ating mga tahanan. Samantala, umiinit din sa resbak ang klima ng 2022 para sa panguluhan. Sa porma at kanya-kanyang diskarte ng ilan sa ating mga politiko, tila hinog na hinog ang panahon para sa kampanya. Hindi na mapakali ang ilan sa mga kilalang pangalan dahil nga sa parang karera ito. Kung sino ang makasusungkit ng pauna at kakaibang pansin sa taong-bayan. Kanya-kanyang pakulo, upang makintal sa imahinasyon ng manghahalal.
Dapat talaga namumukod tangi para mapansin (maging paborito?) ng mga ga-higanteng media sa telebisyon. Habang maaga, magtanim – umaga, hapon, gabi – para may aanihin, at hindi mangulila sa tagumpay. Mukhang ang mga pangalan na may kinabukasang tinitingala ay sina, “Kontra-pork barrel” at “No pork barrel” Senador Panfilo Lacson? “Pambansang Kamao” at “Mr. MPBL” Manny Pacquiao? Ang inatasang “Drug czar” kuno at “Dilawang”, si Bise Presidente Lenny Robredo? Ang nabansagang “Daughter-Te” na si Davao Mayor Sara Duterte? “Linis Bangketa, Divisoria atbp.” Mayor Isko Moreno? Sino pa? May interesado ba sa kampo ng mga Villar? Isa sa pinakamayamang negosyante sa bansa.
May tatakbo kayang presidente sa kanila? Habang ang batang Villar, kasalukuyang kalihim sa ‘public highways,’ senado ang pinupuntirya? Isang palaisipan din ang kahahantungan sa recount ng election protest ni BongBong Marcos? Kelan pa tayo makakasaksi ng kalinawan sa nakabinbing katanungan, sino ang tunay na Pangalawang-Pangulo ng Pilipinas? Sa huli kong pagbiyahe sa Manila, at pakikipag-usap sa mga bigating tinig, media, editors, kolumnista at iba pa. lumalabas na may mayorya na si dating Senador Marcos sa Korte Suprema. Hindi maiiwasan na, malaking tulong ang tinig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing usapin. At sino kaya ang i-endorso ng Malakanyang sa 2022? Iwasan man at hindi, andyan din ang usapin kung sino kailangang humalili sa palasyo? Yung hindi maghuhukay ng dumi at magpapa-akyat ng kaso kontra kay “Digong” kapag bumaba na ito?
-Erik Espina