KINAILANGAN natin ang Rice Tariffication Law, o RA 11203, upang mahinto ang mabilis na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin noong 2018. Maaalala natin kung paano pumalo ng 5.7 porsiyento noong Hulyo ng nasabing taon ang inflation, na sinundan ng 6.4 noong Agosto at 6.7 porsiyento pagsapit ng Setyembre. Tinanggal ng RA 11203 ang dating mga panuntunan at restriksyon sa pag-aangkat ng bigas at sa halip ay nagpataw na lamang ng taripa. Dahil sa nawalang limitasyon sa pag-aangkat ng bigas, nagsimulang dumagsa sa bansa ang mga murang bigas mula Vietnam at Thailand, at ang bigas bilang pangunahing bilihin ng mga Pilipino, unti-unti nang humupa ang inflation.
Ang malawakang importasyon ng murang bigas ay tunay namang nagpahinto sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado, ngunit malaki ang naging kapalit nito para sa agrikultura ng Pilipinas, partikular sa industriya ng bigas. Dahil sa buhos ng mga murang angkat na bigas sa merkado, bumagsak ang presyo ng mga aning palay ng mga Pilipinong magsasaka.
Matagal nang napayaan ang agrikultura ng bansa sa mahabang panahon. At ang Rice Tariffication Law, ay isa lamang sa maraming pagbabago na nagpababa sa sektor na ito, lalo na sa produksiyon ng bigas.
Isa sa mga resulta ng polisiyang ito ay ang tuloy-tuloy na pagbagsak ng lakas-paggawa sa sektor ng agrikultura. Sa nakalipas na pitong taon, isang pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA), na bumagsak na sa 25 porsiyento ang labor force sa agrikultura. Mula 12,24 milyong manggagawa noong 2010, bumaba ang bilang ng mga nagtatrabaho sa bukid sa 9.07 milyon noong 2017, ayon sa pag-aaral ng NEDA. Sa 17 rehiyon ng bansa, 15 ang napaulat na bumaba ang bilang ng nagtatrabaho sa agrikultura, pinakamalaking pagbaba ang naitala sa mga rehiyon ng Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, at Autonomous Region of Muslim Mindanao.
Agrikultura ang kasalukuyang pinakamahinang “economic link” ng bansa, ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, na lumago lamang ng 1.1 porsiyento sa nakalipas na sampung taon. Malaking rason nito ang mataas na gastos sa produksyon, mababang presyo sa mga farmgate, limitadong mapagkukunan ng puhunan, kulang na sistema ng irigasyon, at paggamit ng mga agrikultural na lupain para sa mga komersyal na proyekto.
Hindi natin dapat hayaang magpatuloy ang pagbagsak ng agrikultura sa Pilipinas. Mula sa ating lupain at mga ulan gayundin ang masaganang likas na yaman, dapat na malaki ang maging tungkulin ng agrikultura para sa paglago ng ekonomiya ng bansa. Sa dahilan na lamang na pangunahing pagkain natin ang bigas, dapat na mabigyan ng lubusang suporta ang produksyon ng bigas sa ating bansa.
Isang solusyon ang inihain ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa Kamara, na magtatakda upang magamit ang rice tariff collection bukod pa sa P10 bilyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at magtayo ng emergency fund upang matulungan ang mga magsasaka. Iminungkahi niya na ang labis na halaga ay mapupunta sa isang transfer system na katulad ng cash subsidies na ibinibigay sa mahihirap na pamilya ng Department of Social Welfare and Development.
Nitong nakaraang Linggo, humingi ng paumanhin si Pangulong Duterte sa mga magsasaka para sa mababang presyo ng palay at sinabing handa siyang makipagpulong sa kanila upang matalakay ang kanilang mga hinaing. Maaaring masama rito ang pangangailangan sa mas magandang mekanisasyon, dagdag na mga irigasyon, higit na tulong sa pamamagitan ng pautang at pagbebenta—mga paraan na makatutulong sa mga magsasakang Pilipino na maging produktibo tulad ng kanilang mga kapwa magsasaka sa Vietnam at Thailand.