NITONG nakaraang Nobyembre 12, 2019, pinangunahan ng Villar SIPAG Foundation ang ikasiyam na OFW & Family Summit sa World Trade Center sa Pasay City. Dinaluhan ito ng libu-libong mga Overseas Filipino workers (OFWs) at ng kanilang pamilya. Nagulat ako sa tagumpay ng summit sa ikasiyam nitong taon.
Isa itong malinaw na palatandaan, sa aking palagay, na hangad ng ating mga OFW na matuto ng kaalaman at kasanayan na kailangan upang maiwasan nilang mangibang-bansa at iwan ang kanilang pamilya upang kumita at mapunan ang pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Kami, sa Villar SIPAG Foundation ay isinasakatuparan ang taunang programang ito na may layuning magkaloob ng maayos na kabuhayan o oportunidad ng pagnenegosyo para sa mga OFW. Sa paraang ito, maaari nilang magamit nang maayos ang kanilang mga kinita sa abroad sa halip na masayang lamang ito.
Ayon sa pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nasa 66% ng mga OFW ang nakapagtatabi ng hindi hihigit sa 25 porsiyento ng kanilang kabuuang natatanggap at tanging 3.8% lamang sa bahaging ito ang napupunta sa investment. Isa itong bagay na kailangan nating baguhin kung nais nitong mapauwi ang mga OFW at manatili na lamang sa bansa.
Ang Summit, tulad ng naisip ilang taon na ang nakalilipas, ay may layong mapabuti ang kakayahang pinansyal at pagnenegosyo ng ating mga OFW. Nangangahulugan ito na kailangan silang maturuan upang masiguro na ang kanilang salaping kinikita ay napupunta sa paglago at mananatili sa mahabang panahon.
Mula sa unang beses na nakapagbenta ako ng unang bahay sa isang OFW ilang dekada na ang nakararaan, lagi’t laging nasa adbokasiya ko na protektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Naramdaman ko noon, hanggang ngayon, na ito ang maaari kong maiambag kapalit ng kanilang mga sakripisyo at kontribusyon para sa ating bansa.
Idinisenyo ang summit upang mahikayat ang ating mga OFW na maging boss sa halip na magtrabaho sa mga dayuhang amo at ilantad ang kanilang mga sarili sa pang-aaabuso. Para sa 9th OFW Summit, tinipon namin ang negosyante, humahawak ng mga franchise, kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang samahan upang matulungan ang mga OFW sa pagpaplano o pagsisimula ng kanilang mga kabuhayan o negosyo.
Isa sa mga tampok sa summit ang mga booth na itinayo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng pagkakataon sa mga OFW na magtanong at humingi ng payo sa mga isyung makaaapekto sa kanila.
Nakatitiyak ako na ang mga ekspertong inimbitihan natin upang magbahagi ng kaalaman tungkol sa Financial Literacy, Business Start Ups/Trends and OFWs Turned Successful Entrepreneurs ay nagbigay inspirasyon at nakapagturo sa ating mga OFW upang maging susunod na matagumpay na negosyante.
Sa aking palagay, mailalarawan ng tema ngayong taon ang buong kaganapang ito: “Kabuhayan sa Sariling Bayan.” Kailangan natin ang talent at pagsisikap ng mga Pilipino dito sa ating bansa. Tayo dapat ang nakikinabang sa talento at galing ng Pinoy. Nauuwanawaan ko ang desisyon ng marami sa ating mga kabababayan na maghanap ng oportunidad sa abroad. Ang kanilang sakripisyong ginagawa ay tunay na kahanga-hanga.
Gayunman, habang patuloy tayong nagsisikap upang maprotektahan ang kanilang kapakanan at mga karapatan habang sila ay nasa abroad, hindi natin dapat hayaan lamang na magpatuloy ang labor migration. Kailangan nating masiguro na unti-unti mababawasan ang mga Pilipinong magdedesisyon na lisanin ang bansa upang makahanap lamang ng disenteng trabaho. Naniniwala ako na sa magandang itinatakbo ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Duterte, maaari tayong bumuo ng pundasyon upang makabalik ang ating mga OFW at maiwasan na ang pagdagsa ng ating mga manggagawa sa ibang bansa.
At ang pinakamainam na paraan upang masimulan ito dito sa kanilang tahanan, ay ang pagkakaloob sa kanila ng mga kasangkapan upang makapagsimula ng kanilang sariling negosyo. Sa paraang ito, hindi lamang natin matutugunan ang mga isyu ng OFW, ngunit lilikha rin tayo ng mga trabaho para sa ating mamamayan at makapag-aambag sa patuloy na pag-unlad ng ating ekonomiya.
Salamat sa lahat ng mga naging daan upang maging matagumpay ang 9th OFW Summit!
-Manny Villar