ANG bilis talaga ng panahon. Sa isang iglap, halos hindi mo namalayan na matatapos na ang anim na buwan.
Tinutukoy natin dito ang anim na buwang itinalagang ‘pilot run’ ng Department of Transportation (DOTr) sa Angkas, isang app-hailing motorcycle taxi company, mayroong 27,000 riders na nagseserbisyo sa mga commuter sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Sa katapusan ng Disyembre ng kasalukuyang taon ang expiration ng pilot run ng Angkas. Hindi pa rin natin batid kung ano ang kahihinatnan ng grupong ito matapos nilang mapatunayang ligtas, kumbinyente at abot-kaya ang pagtangkilik ng ating mamamayan sa Angkas.
Subalit hindi pa rin nagtatapos dito ang pakikibaka ng Angkas upang maging isang lehitimong motorcycle-for-hire business.
Habang nakabitin pa rin ang kinabukasan ng grupong ito, patuloy naman ang pamamayagpag ng ilang grupong habal-habal na nagpapakilala bilang mga lehitimong motorcycle taxi.
Kabilang na dito ang Joy Ride at Sampa na umano’y namamayagpag ngayon sa mga kalsada ng Metro Manila.
Sa pamamagitan ng social media, partikular na sa Facebook, nakakakuha ng mga pasahero ang dalawang grupo na ito.
Sa Facebook sila nag-aanunsiyo ng kanilang recruitment program para sa mga rider.
Kung tutuusin, talagang ilegal ang operasyon ng Joy Ride at Sampa dahil tanging ang Angkas lamang ang binigyan ng awtorisasyon ng DOTr, sa pamamagitan ng isang technical working group (TWG) na itinatag nito noong Hunyo, upang makabiyahe at kumuha ng mga pasahero.
Nabuking ang pamamayagpag ng Sampa matapos magreklamo sa Facebook ang isang grupo dahil sa umanoý pagiging ‘doble-kara’ ng pamunuan ng Taguig City. Ayon kay ipinahuhuli nito ang ibang pumapasadang habal-habal habang nabubulag-bulagan ito sa pagbiyahe ng Sampa sa siyudad.
“Mayor Lino Cayetano, ung team leader mo ng TMT (Traffic Management Team) also known as I-ACT Taguig na si Jun Taganas ay isa rin palang habal-habal. Kaya pala ini-impound nila ang mga habal-habal sa Taguig para masolo nila yun pasahero,†ayon sa FB post.
Itinuring ng mga netizen na hindi makatarungan ang inaasal ni Taganas dahil sa pagkakasangkot nito sa ilegal na operasyon ng habal-habal sa lokalidad habang pinag-iinitan ang ibang motorsiklo na kumukuha ng pasahero.
Kung hindi ubod ng kapal ng mukha nitong si Taganas, bakit naman pinapayagan ito ni Mayor Cayetano? O nasasalisihan lang ang pobreng alkalde ng mga palos niyang tauhan tulad ni Taganas.
Imbes na makatulong sa pagsusulong sa legalidad ng motorcycle-for-hire, ang mga ganitong klaseng asta ang maglalagay sa peligro sa naturang sektor.
Kaya boy, tigilan mo na yan!
-Aris Ilagan