MAY nagtatanong kung ang alok ni Pres. Rodrigo Roa Duterte kay Vice Pres. Leni Robredo na maging drug czarina at co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) ay isa lang joke (biro) o taunt (panunukso) sapagkat hindi naman ito tanggapin. Eh, tinanggap ang alok.
Sumulpot ang katanungang ito dahil sinabi noon ng Pangulo na ibibigay kay Robredo ang lahat ng kapangyarihan upang makatulong sa paglutas sa anti-illegal drug war na kanyang isinusulong. Inatasan niya ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na ibigay kay VP Leni ang tulong.
Gayunman, dakong huli matapos makipagpulong si beautiful Leni sa mga kinatawan at opisyal ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) at ng US Embassy, na nagpahayag ng kahandaan sa pagtulong upang masawata ang drug trade sa Pilipinas. Medyo hindi ito nagustuhan ng Pangulo at ng ilang pinuno ng ahensiya, tulad ng PDEA ni Aaron Aquino at PNP ni Archie Francisco Gamboa.
Ayaw nilang ibigay kay VP Leni ang listahan ng large-scale narcotic trafficker, drug lords at smugglers sa pangambang baka raw ito isapubliko at ibigay ng Pangalawang Pangulo sa mga dayuhang bansa. Kinastigo maging ni Speaker Alan Peter Cayetano si Robredo dahil sa malimit nitong pagsasalita sa media tungkol sa gawain niya sa drug war.
Malalagay raw sa panganib ang seguridad ng bansa kapag ibinahagi ni Robredo ang narco-list na kinabibilangan ng mga pulitiko, Heneral ng PNP at mga negosyante. Tanong ni Albay Rep. Edcel Lagman: “State secrets ba ang mga pangalan ng bigtime drug traders at smugglers na nagpapasok ng bultu-bultong shabu at iba pang iligal na droga sa bansa sa pamamagitan ng Bureau of Customs at mga dalampasigan.”
Nanindigan naman si Robredo na hindi niya kailanman isasapubliko o ibibigay sa dayuhang mga bansa na “nakikialam” sa soberanya ng Pilipinas ang ibinigay sa kanya ng UNODC, US Embassy, at mga Embahada ng Japan, Thailand, Australia at iba pa.
Itinatanong ng mga Pinoy at netizen kung nagbibiro (joking) o nambubuska (taunting) lang ang ating Pangulo sa offer nyang pamunuan ni Leni ang drug war dahil nitong ilang araw, sinabi ni PRRD na hindi makadadalo ang Bise Presidente sa cabinet meeting dahil hindi naman siya cabinet member.
Hindi ba noon ay sinabi ni Mano Digong na ibibigay niya ang lahat ng poder kay Leni sa pagbaka sa illegal drugs. Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo. ang puwesto ni VP Robredosa ICAD ay may cabinet rank. Eh, bakit ngayon wala na?
Sa isang news story ng isang English broadsheet noong Nob. 19, ganito ang nakasulat: “VP: No leaking of sensitive info.” Tiniyak ng ating Pangalawang Pangulo sa Pangulo na kahit isang detalye sa confidential informations na may kaugnayan sa drug wars ng Duerte administration ay ibabahagi o ibibigay sa foreign entities.
“Our assurance is that all sensitive information will not be disclosed.” Gayunman, nagtataka ang kanyang spokesman na si lawyer Barry Gutierrez sa pag-aatubili ng ilang opisyal ng administrasyon na ibigay kay Robredo ang listahan ng high-value targets gayong inihayag ni PRRD sa national TV ang pangalan ng mga personalidad na umano’y sangkot sa illegal drug trade. Sana daw ay walang pinagtatakpan!
-Bert de Guzman