AYON sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga dolyar na ipinapasok ng ating mga manggagawa na nagtatrabaho sa ibayong dagat o overseas Filipino workers (OFW) ay patuloy na tumataas. Nitong Setyembre, pinalaki ang mga remittance ng kwartang ipinadala ng mga land at sea based workers sa kanilang mga beneficiaries sa bansa.
Ayon sa BSP, ang personal na kwartang ipinadala ng mga Pilipinong nagtatrabaho o nakatira sa ibang bansa ay umabot sa 2.6 bilyong dolyar nitong Setyembre 2019 o 6.3 porsiyentong mas mataas kaysa 2.5 bilyong dolyar na iniulat noong nakaraang taon. Ang salaping ipinadala ng mga land at sea-based workers na may maikling kontrata ay nag-ambag sa pagtaas din sa taong ito sa 5.3 bilyong dolyar kumpara sa 4.9 bilyong dolyar noong nakaraang taon. Samantala, ang kwartang ipinadala ng mga OFW na may kontratang kulang sa isang taon na nagdaan sa mga bangko ay tumaas ng 3.4 bilyong dolyar nitong Setyembre 2019 mula 2.2 bilyong dolyar ng nakaraang taon.
Kaya, kumikita ang bansa sa pawis ng mga manggagawa na nagtitiis iwan ang kanilang pamilya at nangingibang bansa. Napakalaki ng sakripisyong kanilang ginagawa. Mayroon sa kanila, nasasamantala, pinagmamalupitan at hindi pinasasahod. Ang dalawang ina na nagtrabaho bilang kasambahay ay napilitang umuwi dahil nabalitaan nila ang kanilang pinag-aaral na anak ay napatay sa pagpapairal ng mga pulis sa war on drugs ng Pangulo. May mga umuuwi para datnan lang na wasak na ang kanilang pamilya. Pero, dahil sa iniambag nila sa kaban ng bayan, kinikilala sila ng mga taong gobyerno na mga bayani bilang pakonsuwelo. Anupa’t napakalaking bagay sa ating ekonomiya at pagsustento sa pangangailangan ng gobyerno ang ipinapasok na dolyar ng ating mga manggagawa mula sa ibang bansa. Malaki ang naitulong nila sa mahigit na tatlong trilyong pisong budget ng bansa.
Pero, mukhang hindi nagagamit ang kanilang pinaghirapang dolyar para sa kapakinabangan ng kanilang kapwa dito sa ating bansa. Tignan ninyo, sa halip na tumulong ang kanilang kinikita sa pagpapairal ng tunay na reporma sa lupa upang sumagana ang bansa sa bigas at pagkain, eh ipinaangkat nila ito ng mga banyagang bigas. Ang tinutulungan ng ating gobyerno ay ang mga banyagang magsasaka. Hindi ang mga magsasakang Pilipino ang nakikinibang sa pinaghirapan ng kanilang kapwa sa ibang bansa. Ang nakikinabang din ay ang iilan nilang kapwa Pilipino na nasa kapangyarihan. Ang pinag-uusapang budget ngayon para sa taong 2020 ay may nakalaan nang napakalaking bahagi nito na paghahatian ng mga mambabatas bilang kanilang pork barrel. Paano nating masisiguro sa ating mamamayan na darating ang panahon na hindi na sila mangingibang bansa para makahanap ng kanilang ikabubuhay dahil dito sa ating bansa mayroon nang trabahong bubuhay sa kanila? Eh sa nangyayari ngayon, mukhang hindi darating ang panahong ito dahil hindi nagagamit ang salapi ng bayan, kabilang na rito ang ipinapasok na dolyar ng mga OFW, sa wastong layunin.
-Ric Valmonte