PATULOY ang maningning na kampanya ng National women’s rhythmic gymnastics team.
Kumubra ng dalawang gintong medalya si gymnast Breanna Labadan sa katatapos na Liptov Cup 2019 sa Liptovsky, Slovakia.
Muling nagpasiklab ang pambato ng Butuan sa junior individual all-around category. Ito ang ikatlong gintong medalya ng 13-anyos na si ni Labadan sa European tournament matapos pagreynahan ang parehong dibisyon sa Hungary at Denmark.
Hataw din Cebu pride Daniela Reggie dela Pisa na namayagpag naman sa senior individual all-around title. Nakahirit din ng gintong medalya si dela Pisa sa Denmark, ngunit pumanlima lamang ito sa Hungary.
Kumpiyansa ang Philippine Gymnastics Federation sa matikas na kampanya ng Pinay sa gymnastics sa 30th SEA Games na gaganapin sa bansa simula sa Nobyembre 30.
Target ni dela Pisa na makasungkit ng gintong medalya sa SEA Games na magsisimula sa Disyembre 1 at matatapos sa Disyembre 9 sa Rizal Memorial Coliseum. Makakasama ni dela Pisa sa kampanya ang national team na babanderahan ni world champion Carlos Edriel Yulo.
Puntiryra ni Yulo, kwalipikado na rin sa 2020 Tokyo Olympics, na walisin ang pitong gintong medalyang nakataya sa men’s artistic gymnastics. Mataas ang morale ni Yulo matapos magkampeon sa prestihiyosong 49th FIG World Artistic Gymnastics sa Stuttgart, Germany kamakailan. Kasama ang kanyang Japanese coach, kasalukuyang nagsasanay sa Tokyo, Japan si Yulo at nakatakdang bumalik sa bansa para sa SEA Games