NAGKASUNDO sina Vice Pres. Leni Robredo at Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Archie Francisco Gamboa na pag-aaralan at susuriin ang Operation: Tokhang o “Oplan: Tokhang” na ngayon ay ikinakabit sa karahasan at pagpatay sa libu-libong ordinaryong drug pushers at users.
Ang “tokhang” ay salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay “katok at pakiusap”. Kakatok sa pinto ang pulis para pagbuksan ng may-ari at makikiusap na iwasan ang paggamit ng shabu o ano mang iligal na droga na sumisira sa utak at buhay ng mga Pinoy, lalo na ng kabataang lalaki at babae.
Maganda ang layunin ng “tokhang” na sinimulan ni ex-PNP chief Gen. Ronald “Bato” dela Rosa noong 2016 para masugpo ang laganap na illegal drugs sa Pilipinas. Ang pagsawata sa salot ng bawal na gamot ang isa sa pangunahing layunin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na ibinoto ng 16.6 milyong Pilipino dahil sa pangakong lilipulin ang iligal na droga at itutumba ang mga drug lord, pusher, user at iba pa.
Itutuloy pa rin ang Oplan: Tokhang, pero ito ay magiging mabait na hangga’t maaari at walang kaakibat na karahasan at mga pagpatay. Susundin ang rule of law at sisikaping ma-rehabilitate ang pushers at users sa halip na barilin dahil nanlaban daw.
Sa pulong ng Law Enforcement Cluster ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na pinamumunuan ni VP Robredo bilang co-chairperson, nagkasundo sila ni Gen. Gamboa na panatilihin ang Oplan Tokhang sa kondisyong ito ay muling susuriin, babaguhin at pagbubutihin upang maiwasan ang madugo at maramihang pagpatay.
Prangkahang sinabi ni Robredo na ang Oplan Tokhang ay kaakibat ng mga pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users sa buy-bust operations ng mga pulis sa katwirang nanlaban daw ang mga biktima kahit itinatanggi ng mga pamilya na may baril ang napatay sapagkat papaano sila makabibili ng baril eh wala nga silang pera.
Sabi ng kaibigan ko: “Sa pagiging drug czar ni VP Leni, magiging maluwag na ang paghinga ng mga pulis upang hindi mapilitang basta na lang bumaril at pumatay. Hindi na nila kailangan pang makatalima sa quota ng pagpatay.”
Bilang co-chairperson ng ICAD na may cabinet rank, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na opsiyonal lang ang pagdalo ni VP Leni sa cabinet meeting sa Malacañang. Ayon kay Panelo, hindi naman obligado si Leni na dumalo sa pulong lalo na kung walang agenda tungkol sa illegal drugs.
“Attendance in Cabinet meetings optional.” Ito ang titulo ng news story sa isang broadsheet tungkol sa hindi pagpapadalo kay Robredo sa cabinet meetings. Sabi ni Panelo: “Kapag may cabinet meeting, iniimbitahan kami ng cabinet secretary at tinatanong kung dadalo o hindi. Ito ay optional sa amin kung kami ay dadalo dahil kung hindi mo ito topic at ikaw ay naroroon, ikaw ay mananatili sa miting hanggang madaling araw (nang walang ginagawa).”
oOo
Nakababahala ang pagdami ng mga Pinoy na nagkakasakit ng diabetes ngayon. Dahil dito, iminungkahi ng mga eksperto sa kalusugan na ibalik ang mga “larong Pinoy” para makatulong sa pagkontrol sa diabetes. Kailangan daw ang physical activity at healthy lifestyle.
Sinabi ni Grace delos Santos, pangulo ng Diabetes Philippines, sa halip na ibili ng magulang ang mga anak ng gadgets tulad ng celfones, hikayatin sila na maglaro sa labas ng bahay bilang exercise. Ayon sa kanya, nakalulungkot na ang mga tradisyonal na laro, gaya ng tumbang preso, patintero, luksong baka at piko, ay nakakalimutan na ngayon dahil sa pagdating ng bagong teknolohiya.
-Bert de Guzman