TATLONG taon at anim na buwan na ang nakalilipas mula nang magsimula ang administrasyong Duterte. Agad nitong inilunsad ang mga bagong programa sa pangunguna ng malawakang kampanya laban sa ilegal na droga kaalinsabay ng mga programang para sa regional economic development, na may pagtuon sa pinagmulang rehiyon ng Pangulo sa Mindanao, kasabay rin ang matinding pagsusulong ng Bangsamoro Autonomous Region.
Nanatiling malaking problema ng bansa ang ilegal na droga at kahit pa nga itinalaga na ng Pangulo si Vice President Leni Robredo bilang co-chairman ng task force laban sa ilegal na droga, ang Inter-Agency Committee on Illegal Drugs (ICAD), na siyang nasa sentro ng nagpapatuloy na kontrobersiya, kung saan binalaan si Robredo hinggil sa paglalabas ng “state secrets”na maaari umanong makaapekto sa seguridad ng bansa.
Gayunman, isang programa, na wala tayong reserbasyon ang programang pang-imprastraktura, na ngayo’y iniimplementa sa bansa. Makikita ang palatandaan ng nagpapatuloy na mga programa saan man sa Metro Manila –sa Osmena Highway sa Makati, sa Araneta Ave., at sa Balintawak, sa Quezon City, na nagkokonekta sa South at North Expressways. Isa pang nakataas na kalsada ang itinatayo mula NLEX sa bahagi ng lumang daang-riles patungong C-3 at Radial Road 10 patungo sa mga piyer.
Ang mga ito lamang ang pinaka kilalang proyekto sa Metro Manila. Sa buong bansa, ayon sa Malacañang, may 35 proyekto ngayon na ipinatutupad at 32 pa ang sisimulan sa susunod na anim hanggang walong buwan. At mayroon ding 21 proyekto ang kinakailangang aprubahan at panibagong 12 ang pinag-aaralan na. Sa pagtatapos ng administrasyong Duterte sa 2022, 38 sa mga ito ang inaasahang matatapos; habang ang 22 ay kinakailangang maipagpatuloy ng susunod na administrasyon. Ang mga pangunahing proyektong ito ay nakalista bilang bahagi ng programang “Build, Build, Build” ngunit libu-libong maliliit na proyekto pa ang plano at sinisimulan na sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ilang lider ng oposisyon ang may pangamba sa ilang programa ng administrasyon—na may mga rason sa ilang kaso. Ngunit ang isang pahayag ng oposisyong senador, na maituturing na “dismal failure” ang “Build, Build, Build” ay dapat na isantabi, lalo’t malinaw nating nakikita ang mga naglalakihang poste para sa mga itinatayong expressway sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Mayroon na lamang tatlong taon ang administrasyon at marami pang kailangang maisakatuparan. Kailangang matulungan ang Bangsamoro upang maging ganap na ‘autonomous region’ para maitama lamang—tulad sa sinabi ni Pangulong Duterte—ang “historic injustice” sa mga Moro.
Maaaring hindi niya mapagtagumpayan ang pagsupil sa kurapsyon sa pamahalaan, na naging sistema na sa ilang ahensiya ng pamahalaan. Magpapatuloy rin ang problema sa droga sa mga susunod na administrasyon—tulad sa maraming bansa sa mundo—sa Iran, Mexico, Bolivia, Russia, at maging sa United States – na nananatiling may malaking problema sa droga.
Ngunit ang “Build, Build, Build”ang magiging pagkakakilanlan ng administrasyong Duterte. Isa itong pangunahing kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa mga susunod na taon.