Ni Edwin Rollon
NAITALA ni Davao-based boxer Joel Lino ng MP Boxing Stable 6th round technical knockout kontra Cavite-based ArAr Andales para makamit ang bakanteng Philippine Minimumweight Title nitong weekend sa Provincial Capitol sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Sa kabila ng agarang pagbabawas sa timbang (104.4) mula sa unang timbang na 105.4, nagpamalas ng lakas at katatagan si Lino para mangibabaw sa karibal na sakto sa kinakailangang timbang sa ginawang weigh-in.
Kung pagbabasehan sa scoring card ng mga hurado, tangan ni Andales ang bentahe, higit at nakakuha lang si Lino ng puntos sa isang hurado bago dumating ang pampatulog na suntok na nagsalba sa kanyang kampanya.
Sunod-sunod na kombinasyon ang pinakawalan ni Lino at hindi man natutumba at kitang hindi na nakakaganti ng suntok si Andales kung kaya’t nagdesisyon ang referee na itigil anglaban may 1:03 ang nalalabi sa 6th round ng kanilang 12-round bout.
Naisuot ni Lino ang bagong RP Minimumweight Championship belt na ipinagawa ng Games and Amusements Board (GAB) sa pamumuno ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.
Ipinahayag ni Mitra na kailangang maidepensa ni Lino ang titulo sa loob ng 90 araw laban sa mandatory challenger na si Robert Landero.
Sa supporting bouts, halos walisin ng mga boxers ng Quibors Stable ang mga laban via stoppage.
Natapos ang laban ni Jopher Marayan kontra Davao-based Raven Culentas sa 4th round, habang nagwagi si Romer Pinili kay Junrey Numio via TKO sa 2nd round ng 4-round bout at namayani si Jerald Into kontra Marvin Barcenas sa second round. Nanaig si Welterweight Weljon Mindoro via a convincing knockout sa 2nd round ng nakatakdang 6-round match kontra Jonel Borbon at namayani sy Jerome Baloro via unanimous decision sa beteranong si Alvin Defeo.
Ang naganap na boxing promotion at itinaguyod ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano bilang bahagi sa pagdiriwang ng "Arawatan" Festival sa lalawigan.