INAGAW ng dehadong Bugle Notes ang atensyon ng bayang karerista nang daigin ang mga pamosong karibal, kabilang ang two-time defending champion at Triple Crown winner, para tanghaling kampeon sa 2019 Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup nitong Linggo sa Saddle & Clubs Leisure Park Racetrack sa Naic, Cavite.

Sa gabay ni jockey Jonathan B. Hernandez, humirit ang Bugle Notes sa kalagitnaan ng karera at mula sa biyaneng pangatlo, humaribas sa unahan para lagpasan ang Viva Morena tungo sa impresibong six-length win sa prestihiyosong torneo na alay bilang pagbibigay papuri sa kontribusyon sa industriya ni San Miguel Corp. Chairman.
Tinampukan din ang maaksiyon karera sa isinagawang 24th staging ng Metropolitan Association of Race Horse Owners (MARHO) Breeder’s Championships.
Nailista ng Bugle Notes ang tyempong 2:00.4 sa 2,000-meter race, tampok ang bilis na teympeo sa quartertimes na 24, 23, 24, 24, 24.
“Ginandahan lang po ang alis. Pag-break in, bandera kaagad ako. Ang instruction, ang pinakamasamang puwesto sa ganitong kadami na kabayo, pang-apat o panlima. Pero napaganda pa kasi naging pangatlo kaagad. Pagdating ng medya milya, inaalagaan ko na puwesto ko, hinintay ko na rekta. Noong hinila ko, madami pa, punong puno pa,” pahayag ni Hernandez.
Naiuwi ng may-ari ng Bugle Note na si Elmer de Leon ng Bell Racing Stable ang premyong P1.8 milyon mula sa kabuuang premyo na P3.15M mula sa Philippine Racing Commission.
Natuldukan ang paghahari sa loob ng dalawang taon ng pambato ng SC Stockfarm na Hitting Spree.
Nasa pangangasiwa rin ni De Leon ang Union Bell, two-time winner sa 2019 Philracom Juvenile Fillies and Colts Stakes Race, at magtatangka sa makasaysayang three-race sweep sa Dec. 1.
Nagwagi ang runner-up Murika ng P675,000 kasunod ang Truly Ponti (P375,000), Super Sonic (P150,000) at 2017 Triple Crown champion Sepfourteen (P100,000).
Umani rin ng atensyon ang mga pamosong breeders sa naturang racing festival, kabilang sina Mariano Tirona (Son Also Rises in the MARHO Sprint), Hermie Rivera (Scarborough Shoal in the MARHO Championship Classic and Iikot Lang in the MARHO-SC Stockfarm Trophy Race), Antonio Tan Jr. (Money in My Pocket in the MARHO Eduardo Calixto Memorial Race and Boss Emong in the MARHO Ciara Marie Abalos Foundation Trophy Race), Antonio Coyco (Lucky Saver in the MARHO Manila Horsepower Organization Race), Leonardo Javier Jr. (Obra Maestra in the MARHO 3YO Colt and Filly Mile) at Vincent Go Bon (I Don’t Mind in the MARHO Siomai House Trophy Race).
Nakalinya rina ng malalaki pang karera ng Philracom sa pagtatapos ng buwang kasalukuyan tulad ng 2nd leg ng 3YO Imported/Local Challenge sa Nov. 24.
Mas maaksiyon at malalaking karera ang bibitiwan sa Disyembre tulad ng Philracom’s 3rd leg ng Juvenile Fillies and Colts Stakes Races sa Dec.1, Grand Sprint Championship sa Dec. 15, Chairman’s Cup at 3rd leg ng 3YO Imported/Local Challenge Series sa Dec. 29 at Juvenile Championship sa Dec. 31.