MARAMI ang nagtatanong kung makatutulong sa kampanya laban sa illegal drugs ng Duterte administration ang pakikipagpulong ni Vice Pres. Leni Robredo sa mga opisyal at kinatawan ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) at sa United States Embassy.
Dahil daw kaya sa naturang mga pulong, maaaring maharang ang pagpasok sa Pilipinas ng bultu-bultong shabu at iba pang mga uri ng iligal na droga sa pamamagitan ng Bureau of Customs (BoC) at sa mga dalampasigan ng kapuluan.
May mga impormasyon na karamihan sa shabu ay galing sa China at sa tinatawag na Golden Triangle. Ang China ay kinakaibigan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte. Nagbibigay naman ito ng mga tip at impormasyon hinggil sa pagpasok ng illegal drugs mula sa kanilang bansa, pero hindi pa rin ganap na masawata dahil sa tarantadong mga opisyal at kawani ng BoC na kasabwat ng large-scale narcotics traffickers. drug lords, smugglers at suppliers.
Kahit hinirang na ni PRRD si VP Leni bilang anti-illegal drug czar at co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Drugs and Crime (ICAD) na may cabinet rank, hindi pa rin siya makadadalo sa buwanang cabinet meeting ng Pangulo.
Sinabi ni Sen. Christopher “Bong” Go, malapit na kaalyado ng Presidente, hindi pa rin puwedeng dumalo si Robredo sa monthly cabinet meeting hanggang wala sa agenda ng pulong ang tungkol sa isyu ng illegal drugs. Kailangang si Mano Digong ang magbigay-permiso para siya makadalo.
Naghahanap pa rin si PDu30 ng Hepe ng Philippine National Police (PNP) kapalit ni ex-PNP chief Gen. Oscar Albayalde. Nais ng ating Pangulo na isang “honest” at kompetenteng lider ng 180,000-strong police force ang kanyang mapipili.
Ayaw na raw niyang muling “madapa” sa pagpili ng bagong Hepe ng PNP, tulad ng paghirang niya kay Albayalde na umano’y sangkot sa “ninja cops” noong siya pa ang Pampanga PNP police director. Si ex-PNP chief Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang nagrekomenda sa Pangulo para si Albayalde ang pumalit sa kanya. Sina Bato at Albayalde ay magkaklase sa PMA 1986.
Binira ng mga kritiko ang ipinagmamalaking Build, Build, Build Program ng Duterte administrasyon. Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na sa 75 proyekto na nakalista sa naturang programa, pito pa lang umano ang nasisimulan gayong may tatlong taon na sa puwesto si Mano Digong.
Dahil dito, balak bigyan ng Kamara ng “emergency powers” ang ating Pangulo para mapabilis ang implementasyon ng massive infrastructure projects hanggang 2022. Sige, pagkalooban ninyo ng kapangyarihan ang Pangulo sapagkat kung makukumpleto ang 75 proyekto, ito ay para sa kabutihan ng bayan!
-Bert de Guzman