SA pangalawang pagkakataon tinutulan ng Senado ang nais mangyari ng mga economic manager na buksan ang bansa ng walang kontrol na pagpasok ng asukal.
Iminumungkahi ng mga economic manager ng administrasyon ang import liberalization ng asukal para mapababa ang presyo nito sa pamilihan at matulungan higit na maging competitive ang mga food processing industry. Subalit sa Senate Resolution No. 213 na nilagdaan nitong Lunes ng gabi, sinamahan ng mga senador ang dumaraming tumututol sa import liberalization ng asukal kabilang na rito ang sugar workers, farmers, food processors, millers at grupo ng mga manggagawa. Wika ng Resolution: “Ang walang kontrol na pagpasok ng subsidized na asukal sa pamilihan ng Pilipinas ay magpapahamak sa ating sugar industry na nag-aambag ng tinatayang P96 billion sa ating gross domestic product partikular sa 84,000 na magsasaka-karamihan ay mga maliit na magsasaka at benepisyaryo ng Agrarian Reform, na bawat magsasaka ay lumilinang lamang ng kulang isang ektaryang sugar farm land – at 720,000 industry workers na tuwirang maaapektuhan ang halos isang milyong pamilya o 5 milyong indibiduwal.” Hindi, aniya, maaapektuhan ang competitiveness ng mga produktong may asukal na pang-export dahil polisiya na ng Sugar Regulatory Administration na pinahihintulutan ang mga food exporters na hayagang umangkat ng asukal ng walang value-added tax o Custom duties, kaya lang ang kanilang produkto ay dapat ini-export at hindi ibinebenta sa lokal na pamilihan.
Talagang may hilig magpatiwakal ang administrayong ito. Tingnan ninyo ang ginawa nito sa paglutas ng problema sa seguridad ng pagkain. Totoo, dahil sa maling pagpapairal ng tunay na reporma sa lupa, may mga panahon na kinakapos ng bigas ang ating bansa. Sa taong ito, sumipa ang presyo ng bigas sa lebel na halos hindi na kaya ng mamamayan. Bagamat wala pang linaw ang isinagawang imbestigasyon upang malaman kung mayroon kaugnayan ito sa sabwatan ng mga negosyante sa pagmamanipula ng presyo ng produkto, sinunod na ng Kongreso ang paraan ng administrasyon sa paglutas ng problema. “Ibinibigay ko sa pribadong sektor ang pag-angkat ng bigas,” wika ni Pangulong Duterte. Kaya, pinasulpot sa sambayanan ang halimaw na namiminsala ngayon sa mga magsasaka at sa lokal na industrya ng bigas at sa bansa sa kabuuan. Sukat ba namang pinapasok sa ating bansa ang mga bigas ng dayuhan na ang tanging limitasyon ay magbabayad ng buwis ang mga umaangkat nito. Ito ang salot na Rice Tarrification Law na ibinagsak sa napakababang presyo ang mga palay na inaani na ng ating mga magsasaka. Gustong ganito ang mangyari ng economic manager administrasyon sa sugar industry. Kalokohan ang sinasabi nila na gagawing competitive ito. Tinutulungan at ginagastusan ng mga bansang nagii-export ng asukal ang kanilang sugar industry, kaya surplus na lang o labis na sa kanilang pangangailangan ang ipinaaangkat nilang asukal. Kapag pumasok ito sa ating bansa, mababa na ang presyo kaysa lokal na asukal dahil sarili ng mga nagtatanim ng tubo ang gastos na walang tulong ang ating gobyerno. Hindi naman nila kayang ibenta ang asukal na mas mababa sa nagastos nila sa paggawa nito.
-Ric Valmonte