IPINAG-UTOS ni Pangulong Duterte ang pagbuwag sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) isang buwan matapos nitong sibakin ang dating pinuno ng komisyon dahil sa umano’y kurapsyon. Ang PRRC ay nilikha ng Administrative Order No. 7 noong 1999 bilang interagency, na tututok sa implementasyon ng plano ng pamahalaan para sa rehabilitasyon ng ilog “to its historically pristine condition conducive to transport, recreation, and tourism.”
Dalawampung taon na ang nakalilipas mula ng maitatag ang PRRC. Sinuman ay aasahan na matapos ang 20 taon, dapat na nasolusyunan na ang problema ng paglilinis sa Ilog Pasig. Ngunit tila sa mga nakalipas na taong ito, nanatili ang ahensiya ngunit ang Ilog Pasig at Manila Bay na dumadaloy ngayon ay lalo lamang lumala.
Noong 2008, nagdesisyon ang Korte Suprema para sa rehabilitasyon ng Manila Bay at pinangalanan ang 13 ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na bawat isa ay may tiyak na gampanin para sa buong rehabilitasyong plano. Kabilang dito ang Department of Interior and Local Government (DILG), ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System, Local Water Utilities Administration, Metro Manila Development Authority, Department of Health, Philippine National Police, at ang Philippine Coast Guard. Sa pamamagitan ng DILG, nasa kamay ng mga lokal na pamahalaang nakapalibot sa Manila Bay ang mahalagang tungkulin na ihinto ang pagtatapon ng mga bayan at iba pang komunidad ng mga basura at dumi sa mga daanan ng tubig.
Gayunman, hindi kailanman nangyari ang programang ito. Mayroong pagsisikap ang ilang grupo na binuo ng Malacañang upang linisin ang Pasig, ngunit patuloy na lumalala ang polusyon ng ilog. Ang mga isdang nabubuhay rito ay idineklarang hindi ligtas kainin, at lahat ng uri ng paglangoy sa tubig ay ipinagbawal.
Hanggang sa napagtagumpayan ng administrasyong Duterte ang paglilinis sa isla ng Boracay at ibinaling ang atensiyon nito sa Manila Bay at sa Ilog Pasig. Dalawang linggo na ang nakalilipas, inanunsiyo ng DENR ang plano para sa Pasig—magtatalaga ng 2,000 “estero rangers” upang bantayan ang nasa 203 estero at iba pang daanan ng tubig na dumadaloy sa Pasig, upang mahinto ang pagtatapon ng mga tao ng kanilang basura at dumi rito. Sa paghahayag ng anunsiyong ito, ipinagtaka ng marami na walang nabanggit ang DENR na Pasig River Rehabilitation Commission, na silang dapat na nagpapatupad ng cleanup program sa mga panahong nakalipas.
Sa pagkabuwag ng ahensiya, isusuko ng PRRC ang kanilang pangunahing tungkulin sa Manila Bay Task Force na kailangang makipagtulungan sa iba pang ahensiya upang makamit ang kabuuang hangarin na malinis ang Manila Bay. Isa itong mahirap na tunhkulin, na sa pagtataya ni DENR Secretary Roy Cimatu, ay aabutin ng sampung taon.
Kailangan na nating kalimutan ang 20 taon ng nabuwag na PRRC at sumuporta sa rehabilitation program ng kalihim para sa ilog at look at umasa na siya at ang mga susunod pang opisyal ng DENR ay matagumpay na makakamit ang napakahirap na hangaring ito sa loob ng sampung taon, tulad ng inaasahan.