UNANG sabak sa international competition, walang problema sa Philippine Women’s Baseball Team.

Baseball Team
Impresibo ang Nationals -- nabuo sa unang pagkakataon -- sa unang karanasan sa international stage nang gapiin ang China, 11-1, nitong Biyernes para makopo ang bronze medal sa Baseball Asia Federation Women’s Baseball Asia Cup Biyernes sa Zhongshan.
Binubuo ng mga dating softball player at bagong recruit, nakadalawang panalo ang Pilipinas laban sa China, una ang 6-2 sa kanilang Super Round battle.
Hataw ng tatlong run ang mga Pinay sa first inning, na sinundan ng apat sa second para hawakan agad ang 7-1 bentahe at hindi na binitawan ang lamang hanggang matapos ang laban.
Sinelyuhan ng PH Team ang panalo nang kumana pa ng tig-dalawa sa fourth at fifth inning.
Sa group elimination, nakasilo ng malaking isda ang Pilipinas nang silatin ang World No. 10 Hong Kong at World No. 8 Korea bago yumuko sa World No. 3 na Chinese Taipei.
Nagmula naman ang kabiguan ng Pinay sa World No. 1 Japan sa Super Round.
Ikinalugod ni Philippine Amateur Baseball Association (PABA) president Chito Loyzaga na mapapabilang ang koponan sa team sports na magbibigya dangal sa bansa. Target nilang magkwalipika sa 2020 World Cup.