INSPIRING story ang mga pinagdaanan ng grupong JBK na binubuo nina Joshua Bulot, Bryan Del Rosario at Kim Lawrenz Ordonio dahil nu’ng nagsisimula palang silang mag-gig ay inaabot sila ng 3 sets at bawa’t set ay kailangan nilang kumanta ng sampu kaya sumatotal inaabot sila ng treinta sa kinikitang P500 bawa’t ulo.
“Kaya pamasahe lang po talaga nararating ng P500. Ganu’n po namin kamahal ang music.” sabi ng tatlo.
At ang masakit pa, “kumakanta po kami, dalawa lang nanonood (customer)parents ko pa, “seryosong sabi nang tatlo.
“Ang masakit pa nu’g wala pa kaming manager, kami ‘yung gumawa ng profile namin. Magpi-print kami ng sampung (kopya) ng profile tapos lilibutin namin lahat ng bars sa Manila at QC at doon namin nakilala si sir Mark, manager namin na may-ari ng Flare Bar (Metrowalk), siya ‘yung nakakita ng potential sa amin at siya rin naglakad kung paano kami napasama sa X-Factor UK,” balik-tanaw ni Bryan.
Dagdag naman ni Joshua, “grabe talaga pinagdaanan namin kasi dumating sa puntong nag-iiyakan na kami at kung hindi lang namin talaga mahal ang music baka kung ano na nangyari.
“Papasok na sa trabaho ‘yung isa, pero pinigilan namin (para buo ang JBK), tulad ni Kim kasi kaka-graduate lang namin noon, tapos sabi ko, bigyan lang niya ang grupo ng 3 months pag walang nangyari at hindi umabot ‘yung dapat na kita, sabi ko kay Kim, sige papayagan ka na naming mag-trabaho.
“Pero in 3 months, ibinigay ni Lord, eh. ‘yung panggastos namin okay na, kaya tuluy-tuloy na,” kuwento ni Joshua.
Dagdag din ni Bryan, “nasubukan naming mag-audition sa GMA na habang nag-aayos sila (set), kumakanta kami pero walang pumapansin sa amin, nakakahiya ang feeling. Kaya naman nu’ng nag-offer ang GMA na mapasama kami sa isang talent search, ang sarap ng feeling. Talagang pinagdaanan namin.”
Anim na taon ng magkakaibigan ang JBK kaya masasabing matatag na talaga ang samahan nila at nangako sa isa’t isa na kahit anong mangyari ay walang iwanan.
“Kami-kami talaga nagdadamayan, ito na rin kasi ang circle of friends namin,” sambit ni Joshua.
Lahat sila ay loveless dahil ang katwiran nila, “wala pa kasi kaming pang-date, kaya trabaho muna.”
Hirit namin na nasa number 5 ang kanta nilang Anestisya sa Barangay WLS na laging pinatutugtog kaya sabi namin ay marami na silang kinikita.
Sabi ni Joshua, “Mahirap din kasing mag-commit pag busy ka kasi hindi mo rin mabibigay ang pure love mo.”
Dagdag naman ni Bryan, “lalo na ngayon na panay ang promo namin nitong Anestisya.”
Ang GMA Artist Centre ang nagma-manage sa JBK kaya nagi-guest sila sa lahat ng programa ng GMA 7.
Pero nakapag-guest na sila sa MYX ng ABS-CBN, “oo nga po, it’s about music naman kaya kami nakapunta ro’n at malaki ang reach ng MYX and supportive sila sa amin,” saad ni Joshua.
Dagdag ni Bryan, “Nakakatuwa kasi walang pinapanigang network ang MYX, siguro na-pick up nila ‘yung kanta namin at nakita nila ‘yung potential kaya pumasa naman sa kanila.”
Aminado ang JBK na malaki ang naidulot sa kanila ng kantang Anestisya na sinulat ni Jojo Panaligan at produced naman ni Rider. PH na bukambibig ngayon ng mga kabataan at nasa playlist nila.
“Malaki kasi umabot na kami sa top 5 sa weekly,”say ni Bryan.
Dagdag naman ni Kim, “sa Youtube umabot sa 300,000 views in one month palang.”
“Ibig pong sabihin, maraming mga Pinoy ang gusto ng hugot songs at kasama ang Anestisya,”say ni Joshua.
Sabi pa ni Joshua, “nasa strategy rin kasi ng promotion lalo na sa GMA at ‘yung back-up ng mga contact nina sir Jojo sobrang malaki ‘yung push.”
At ngayong sikat na ang JBK dahil na rin sa kantang Anestisya ay may gig na sila sa Resorts World Manila at ka-back-to-back nila si Mitoy Yonting at Mocha Girls.
“At sa Flare Bar sa may Metrowalk, primetime na kami ro’n,” sabi ng tatlo.
“Nakakatuwa kasi dati kami ang unang tutugtog at kami rin ang huli, 2 sets kami dati. Ngayon kami na ‘yung pang 12 midnight, kami na ‘yung inaabangan,” sabi pa ng JBK.
Inalam namin kung sino ang mga crush nilang artista/singer at nabanggit ang mga pangalan nina Kyline Alcantara o Rhian Ramos (Joshua), Kris Bernal (Kim) at Julie Anne San Jose (Bryan).
Inamin din ng tatlo na kung mabibigyan sila ng pagkakataon ay gusto nilang maka-collaboration ang mga nabanggit pagdating sa music.
Kaya ang payo ng JBK sa mga nagsisimula sa kanilang karera bilang musikero ay huwag susuko at mahalin ang trabaho.
-Reggee Bonoan