Paborang Department of Education (DepEd) na ibalik ang pagtuturo ng good manners and right conduct (GMRC) sa basic education level sa pamamagitan ng pagsasama rito sa K to 12 curriculum.

Sinabi ni DepEd Undersecretary for Finance Service and Education Programs Delivery Unit Annalyn Sevilla, sa panayam sa sidelines ng isinasagawang First National Summit for Children’s Rights in Education (NSCREd), na kahit nakapaloob na ang mgakonsepto ng GMRC sa kasalukuyang curriculum, bukas pa rin ang ahensiya sa mga suhestyon ng stakeholders mula sa iba’t ibang sektor.

Nauna rito, naghain si Senator Joel Villanueva ng Senate Bill (SB) No. 860 o ang Comprehensive Values Education Act. Idiniin niya ang kahalagahan maging permanente ang pagtuturo ng GMRC at isama ang character building activities sa curriculum ng K to 12 program.

Sa School Year 1991-1992, naglabas ang DepEd – ng noo’y Department of Education Culture and Sports (DECS) – ng DO 90 at DO 91 para isama ang Character Education (CE)/ Values Education (VE)/GMRC sa elementary at secondary levels, ayon sa pagkakasunod. Gayunman, inalis ang GMRC sa bagong K to 12 curriculum at ang mga konsepto nito ay isinama sa mga kaugnay na aralin.

-Ina Hernando-Malipot