LAKING pasasalamat ni Calvin Oftana sa kanyang pagkapanalo bilang NCAA Season 95 Seniors Basketball Most Valuable Player.
Ngunit, ang kasiyahan ay nabahiran ng lungkot nang matalo ang San Beda Red Lions sa Letran Knights sa Game 1 ng Finals nitong Martes, 64-65.
Bukod sa naputol ang kanilang 32-game winning run, nawala rin ang tsansa nilang makumpleto ang sweep ng Season.
Subalit, ang nasabing kabiguan ay kailangan na nilang kalimutan upang maituon ang kanilang pansin sa pagkakataong mapanatili ang korona.
“Tapos na ‘yun. Wala na sa isip ko ‘yun. Ang gusto ko ngayon manalo kami sa Game Two. Thankful ako sa God at sa mga teammates ko na ako yung nanalo,” pahayag ni Oftana.
“Pero ‘pag sa loob ng court, walang MVP, walang Mythical Five, walang star diyan. We got to play as a team kasi ‘yun ang importante sa amin.”
Kaya naman nangako ang Red Lions na sisikapin nilang itabla ang serye sa Game 2 upang makapuwersa ng rubbermatch.
“Sweep or not sweep, same thing naman. Balewala na ‘yung sweep namin sa eliminations. Ang goal namin is ‘yung championship. ‘Di pa naman tapos, Game One pa lang. We have Game Two and Game Three,” ayon pa kay Oftana.
“Kaya dapat bounce back kami sa Game Two.”
-Marivic Awitan