MAGULO ang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo hinggil kung ano ang gagawin ng Pangulo sa tatlong araw mula Martes.
“Ang alam ko ay magsisimula siyang magpahinga sa Martes sa loob ng tatlong araw,” wika ni Panelo sa press briefing nitong Lunes. Pero, sa panayam sa kanya sa DZMM, ganito ang sinabi niya: “Hindi siya magbabakasyon. Magtatrabaho lang siya sa Davao City sa kanyang tahanan. Marami siyang naiwang trabaho, maraming paperwork. Kung siya ay nasa kanilang bahay, makapagpapahinga siya pagkatapos niyang magawa ang paperwork.” Kinagabihan, sa isang pahayag, sinabi niya na tinanggihan ng Pangulo ang suhestiyon ng kanyang mga malapit na kaibigan na magpahinga siya kahit ilang araw lang. Binago niya ang kanyang unang sinabi na si Executive Secretary Salvador Medialdea ay siyang magiging caretaker ng gobyerno. Aniya, hindi na kailangan ang caretaker, kailangan lang ito kung siya ay lalabas ng bansa, hindi kung siya ay narito at siya ay nakababasyon. “Ang napuna ko sa Pangulo, tulad ng sinabi ko sa kanya, kapag nakatulog ka ng 8 oras, maganda ang ayos mo. Sa palagay ko, ito ang kanyang kailangan, laging kulang siya sa tulog. Hindi na kailangang paalalahanan pa kami. Noon pa man, alam na namin ang kanyang instruksiyon. Magtrabaho kayo,” dagdag pa ni Panelo.
Normal lang iyong kapag nagpapaliwanag ka sa hangarin mong maging kapanipaniwala ang iyong pinagtatakpan, magkakabuhol-buhol ka sa iyong pananalita. Pabagu-bago ang iyong sinasabi dahil inihahanap mo kung alin ang higit na katanggaptanggap dito. Bakit hindi maging tapat si Panelo sa tunay ng kalagayan ng kalusugan ng Pangulo? Kailangan ba niya ang panahon para makapagpahinga? Kailangan ba niya ito para siya makapagpagamot? Ang huling nangyari sa Pangulo na naiulat ay nang sumemplang ang motor na kanyang pinatatakbo sa loob ng Malacañang. May larawan pa nang ito ay pinatatakbo niya, bagama’t sa larawan nakatagilid siya. Walang kuha nang siya ay bumagsak. Subalit naging sanhi ito ng maaga niyang paguwi sa bansa mula sa Japan dahil sa kirot na nararamdaman niya. Ayon sa pangalawa niyang spokesman na si Sen. Christopher “Bong” Go, nakaranas ang Pangulo ng muscle spasm. May mga karamdaman pa siyang nauna nang publikong inamin ng Pangulo.
Ang malaking problema ngayon ng bansa ay halos wala nang nagbibigay ng direksyon kung saan ito dadalhin. Nagkakanya-kanya na ang mga opisyal ng gobyerno. Tingnan ninyo ang ginawa ni Panelo. Sukat ba namang pakialaman niya ang suliraning panlabas ng bansa nang sabihin niyang hindi natin problema ang ginawang harassment ng Chinese vessel sa Liberian ship na pinatatakbo ng all-Filipino crew. Eh naganap ito sa ating hurisdiksyon sa Scarborough Shoal. Eh pagsang-ayon ito na ang China ang may karapatan sa karagatang ito. Ganito na ang nagiging bunga dahil nga sa may sakit o nakabakasyon ang Pangulo, trabaho lang ang kanyang utos sa kanyang mga opisyal, ayon kay Panelo. Sa ikabubuti ng bansa kung ilalahad ng Pangulo ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan. Ayan na nga at inatrasan na niya ang mga problema sa droga at trapik lalo na sa EDSA. Maliban sa pribadong pagdalaw sa burol at pagtitipon, hindi na makita ang Pangulo sa mga insidente kung saan sinagasaan at winasak ang pamumuhay ng mamamayan ng lindol, bagyo at ibang uri ng kalamidad.
-Ric Valmonte