NAIPUWERSA ng Far Eastern University ang do-or-die match kontra top seed University of Santo Tomas sa makapigil-hiningang 48-46 panalo nitong Miyerkoles sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Stepladder semifinals sa MOA Arena.

Nagposte si graduating guard Fatima Quiapo ng career-best na 18 puntos, 13 rebounds, at 4 na steals upang buhayin ang tsansa ng Lady Tamaraws na makausad sa Finals. Tangan ng Tigresses ang ‘twice-to-beat’ advantage.
Gaganapin ang Game Two sa Sabado ganap na 12 ng tanghali sa Smart Araneta Coliseum.
Nag-ambag si Valerie Mamaril na may siyam na puntos at limang rebounds, habang kumana si Clare Castro na may walong puntos, 15 boards, at dalawang blocks, at tumipa si Choy Bahuyan ng walong puntos, limang rebounds, at dalawang assists.
“Sinabi ko na huwag tayo mag-iiyakan. Walo yung gragraduate sa atin at hindi puwedeng mag-iyakan tayo dahil may Game Two pa,” pahayag ni FEU coach Bert Flores.
Naiiwan pa sa iskor na 39-43, mahigit pitong minuto ang nalalabing oras sa laro, kumamada ang Lady Tams ng 8-0 blast upang agawin ang kalamangan, 47-43, may natitira na lamang 1:59 sa fourth canto.
Naibaba pa ni Ruby Portillo ang lamang sa 46-47 sa ipinukol nitong 3 point shot ngunit hanggang doon na lamang ang kanilang inabot hanggang selyuhan ni Mamaril ang kanilang panalo ng split free throw.
“Sabi ko sa kanila, magpa-practice pa ba tayo? Sabi nila, oo!,” ayon pa kay Flores. “Si Clare sabi rin, ‘May Sabado pa tayo!’”
Pinangunahan ni Portillo ang UST sa itinala nitong 12 puntos, limang rebounds, limang assists, at tatlong steals.
-Marivic Awitan
Iskor:
FEU (48) -- Quiapo 18, Mamaril 9, Bahuyan 8, Castro 8, Delos Santos 2, Jumuad 2, Abat 1, Adriano 0, Antiola 0, Bastatas 0, Vidal 0.
UST (46) -- Portillo 12, Irebu 10, Ferrer 5, Panti 5, Soriano 5, Gandalla 4, Rivera 3, Javier 2, Callangan 0, Sangalang 0, Tacatac 0.
Quarterscores: 15-19, 26-30, 35-39, 48-46.