HAHATAW ang Philippine Volleyball Federation-Tanduay Athletics U18 Girls "Series in Ur Cities’ Volleyball Cebu leg sa Linggo (Nobyembre 17) sa Cebu City Sports Institute Gym.
Sa pakikipagtulungan ng Cebu City Sports Council, mga Cebuanos naman ang makakasaksi sa maaksiyong torneo na inorganisa ng PVF – natatanging sports association sa volleyball na kinikilala ng mas nakararaming Pinoy – at pangangasiwaan ng mga lehitimong opisyal ng volleyball.
Sabak ang mga eskwelahan na Tejero Night High School, Oppa Night High School, Lahug Night High School, Basak Night High School, Inayawan Night High School, Abellana National School, Guba Night High School at Oppa National High School.
Tanging mga opisyal na accredited, licensed at loyal sa PVF ang siniguro ng organizers na mangagasiwa ng laro bilang tugon sa ginagawang paglilinis bahay ng PVF bilang paghahanda sa opisyal na pagtanggap muli sa asosasyon bilang tunay at lehitimong national sports association ng volleyball sa bansa.
Sa kabila ng masamang turing sa PVF ng dating pamunuan sa Philippine Olympic Committee (POC) nagbabalik na ang sigla at kaayusan sa hanay ng local volleyball, higit sa antas National level, kabilang ang PVF affiliated Davao Volleyball Association of Davao City na pinamumunuan ni Daks Yambao.
Ayon kay PVF president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada, walang bayad ang paglahok sa torneo at sa tulong ng Tanduay Athletics at Cebu City Sports Council, libre ang inumin at pagkain para sa lahat ng kalahok.