HINDI na kailangan pang palawigin ang martial law sa Mindanao. Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na wala siyang balak na irekomenda ang extension ng martial law na idineklara ni Pres. Rodrigo Roa Duterte noong 2017 bunsod ng pagsalakay at pag-okupa ng Maute Brothers at teroristang mga grupo sa Marawi City.
Niliwanag ni Lorenzana na hinihintay pa rin niya ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP), pero sa ganang kanya hindi na niya irerekomenda pa ang pagpapalawig nito. Siya ang hinirang na martial law administrator ng Pangulo.
Ang martial law na unang ipinataw sa kasagsaan ng pagsalakay ng Maute Group noong Mayo hanggang Oktubre 2017, ay magtatapos sa Disyembre 31, 2019. Pinalawig ni PRRD ang martial law na may approval ng Kongreso sa pagtatapos noon ng 2017, sa pagtatapos ng 2018 hanggang 2019.
Naniniwala si Lorenzana na may sapat na kakayahan ang gobyerno para labanan ang terorismo kahit wala nang martial law ngunit kailangang magpasa ang Kongreso ng batas na magbibigay ng “mga ngipin” sa Human Security Act . “Ito ay mas mabuti kaysa martial law.”
Sinabi naman ni Brig. Gen. Edgar Arevalo, AFP spokesman, na may mga lugar na dapat nang i-lift o alisin ang martial law. Isa sa lugar na ito ay ang Davao City batay sa obserbasyon ng Eastern Mindanao Command sa ilalim ni Lt. Gen. Felimon Santos. Maging si Davao City Mayor Sara Duterte ay pabor na alisin ang martial law sa lungsod.
Tatlong araw na mamamahinga ang ating Pangulo dahil labis siyang naging “overworked” nitong nakaraang ilang linggo. Sa edad na 74, aktibo si PRRD sa pagdalo sa mga local at international summits, na ang pinakahuli ay sa ASEAN Summit sa Bangkok.
Una rito, dumalo siya sa enthronment ni Japanese Emperor Naruhito kahit siya ay naaksidente sa motorsiklo sa loob ng bakuran ng Malacañang. Dahil sa “unbearable pain”, umuwi nang maaga ang ating Pangulo at hindi na dumalo sa mga banquet na alay ng Emperador at ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Ipinaliwanag ni presidential spokesman Salvador Panelo na walang kaugnayan sa kalusugan ni PDu30 ang pamamahinga niya ng tatlong araw sa Davao City. Patuloy pa rin siyang magtatrabaho. Ang magiging caretaker ay si Executive Sec. Salvador Medialdea. Hindi niya hinirang si Vice Pres. Leni Robredo bilang caretaker dahil masyado na raw itong busy sa bagong trabaho bilang anti-illegal drug czar.
Nakipagpulong si VP Leni noong Lunes sa mga opisyal at kinatawan ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC). Binigyan siya ng briefing tungkol sa mga estratehiya ng ibang mga bansa laban sa illegal drugs.
Ayaw ibigay ni Robredo ang mga bagay na tinalakay nila ng UNODC dahil ang iba ay confidential daw. Gayunman, tinalakay nila sa kabuuan ang “best practices” na maaaring matutuhan ng Pilipinas sa ibang mga bansa sa pagtugon sa hamon ng problema sa iligal na droga.
Ayon sa Chief of Staff ng Vice President na si Philip Dy, ang isa sa mahalagang findings sa ibang mga bansa na tinalakay, ay ang pagbibigay importansiya sa public health approach kasama na ang pagpapairal ng batas.
Lagi nang umaapela si Robredo sa Duterte administration na tratuhin ang drug problem hindi bilang law enforcement lamang kundi bilang isang isyu ng kalusugan. Hindi naman kontra si VP Leni sa Operation: Tokhang. Ang ayaw lang niya ay madamay ang mga inosenteng sibilyan sa paglulunsad ng buy-bust operations na libu-libo na ang napapatay dahil nanlaban daw ang mga pusher at user.
Suportado ng maraming sektor ng lipunan, kabilang ang Simbahang Katoliko, sa isinusulong na “zero killings” ni Robredo bilang bagong drug czar at co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD). Naniniwala si beautiful Leni na posibleng maresolba ang salot ng illegal drugs sa Pilipinas hindi sa pamamagitan ng pagpatay sa ordinaryong pushers at users kundi sa pagsugpo sa pagpasok ng bultu-bultong shabu at iligal na droga sa bansa.
-Bert de Guzman