BUMULAGA ang paglobo ng problema sa droga dahil sa ilang nagdaang pamahalaan na nagmistulang bulag, bingi at pipi. ‘Di ba nga sa anim na taon at SONA ni PNoy, wala tayong nadinig na talumpati o bulong man lang sa pangulo, tungkol sa lumalalang problema ng ipinagbabawal na gamot at dumaraming Pilipinong nalulong sa masamang bisyo. Ano kaya ang pananaw ng madlang pipol sa kasalukuyang banta? Na dapat na ba ibalik ang bitay sa mga nagdadala, nagtutulak, nagpopondo, nagluluto ng malakihang gramo ng droga?
Tuloy nagugunita ko si Lim Seng na pina-firing squad ni Presidente Ferdinand Marcos noong panahon ng ‘martial law.’ ‘Di ba nga, dahil nasindak at sabay natakot ang mga ‘drug-lords’ noon, naglaho sila na parang bula. Kelangan na siguro maglabas ng utos ang Palasyo sa kongreso na agad ipasa ang parusang kamatayan sa mga ganitong uri ng krimen, Pilipino ka man, higit, kung dayuhan!
Hindi ko makakaligtaan ang aking namayapang ama, si Senador Rene Espina na naging unang taga-patnugot ng Comprehensive Anti-Drugs Law noong 1972. Dati pa niya nahulaan na magiging malaking pasanin ang drug addiction sa ating bayan. Samantala, itapon na lang natin lahat ng big-time drug-lords, halimbawa “Munti,”o sa isang pulo. Doon sila ipiit. Dahil iilan lang ang mga ito, mas madali sila mabantayan ng awtoridad. Ipatupad ang pagbabawal sa mga cellphone. Mas mabuti pa kung walang signal! Kung matitigas ang ulo ng mga ito, puwede rin magkaroon ng “riot” sa loob ng kulungan, at napaslang lahat sa tangkang pagtakas, dahil may kanya-kanya silang baril na ipinuslit? Maari rin ampunin ang estilo noon sa pamahalaang Marcos, na mga carnappers, “shoot to kill.” Babala sa mga nagluluto ng shabu, mga big-time drug pushers, may paglalagyan kayo.
Huwag na muna patulan yang mga dungising tulak ng shabu. Tirahin ang ulo ng sindikato at “supply” para maging matumal, papunta sa “tagtuyot”, ang bentahan ng droga sa merkado. Sa Customs, pantalan, daungan, paliparan, bus terminals, at iba pa. Dapat maraming x-ray machines at mga sinanay na aso, para mas epektibong masipat at maamoy ang laman ng mga container vans, gamit na imported papasok sa ating bansa.
-Erik Espina