BATID nating lahat na may Ilog Pasig na dumadaloy sa palibot ng Metro Manila na nagtatapos mula Laguna de Bay patungong Manila Bay. Ang hindi alam ng karamihan sa atin, ay ang katotohanan na ang buong rehiyon ay namamagitan dito ang maraming creek at daanan ng tubig—nasa 203 ang bilang, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). At bawat isa rito ay aktibong nag-aambag ng polusyon sa Pasig at kalaunan ay sa Manila Bay.
Inanunsiyo ni DENR Secretary Roy Cimatu nitong nakaraang linggo na 2,000 “estero rangers”ang itatalaga upang magbantay sa mga esteros – tatlo sa bawat 711 barangay sa Metro Manila. Ieendorso sila ng mga opisyal ng barangay at makikipagtulungan sa local government units. Ikokomisyon sila sa Nobyembre 15 sa DENR central office sa Quezon City.
Maaaring may problema sa legalidad ng pamamahala sa prosesong ito—tulad ng problema sa trapik—lalo’t mananatili sa mga lokal na pamahalaan ang awtoridad sa kani-kanilang nasasakupan. Kinakailangang mahigpit na makipagtulungan ang DENR sa mga LGU upang magtagumpay ang programa.
Ibinigay ni Pangulong Duterte ang pamamahala ng problema sa polusyon ng Manila Bay sa DENR, matapos ang matagumpay nitong paglilinis sa Boracay sa loob ng anim na buwan, at sa pagtataya ni Secretary Cimatu na aabutin ang paglilinis sa Manila Bay ng sampung taon.
Naging “cesspool” ang Boracay—tulad ng naging paglalarawan ni Pangulong Duterte—makalipas lamang ilang taon nang pagiging top tourist attraction nito sa bansa. Ngunit ang Manila Bay ay matagal nang kinokolektahan ng mga basura at lahat ng samu’t saring gamit na itinatapon mula sa bahay,at maging dumi ng mga tao sa nakalipas na mga dekada. Milyun-milyong bahay ang gumagamit sa 203 creek at waterways para sa layuning ito, dahilan upang hindi na ito ligtas para paglanguyan o pagdausan ng anumang uri ng water sports. Ang pagdami ng mga barong-barong ay higit pang nagpapalala sa problemang matagal nang kinahaharap nito.
Maaaring masaksihan ng mga estero rangers ng DENR ang mga basurang naglulutangan sa tubig ngunit ang polusyong dulot ng dumi ng tao ay matutukoy lamang sa pagsasagawa ng chemical tests, at ito ang mas mahirap na problema. Kinakailangan ang partisipasyon ng mga lokal na opisyal at ng pulisya. Sa naging pagdinig kamakailan ng Senado hinggil sa problema ng bansa sa polio, sinabi ng Department of Health na malaking bahagi ng dahilan ng pagtaas ng kaso ng polio ay dahil sa problema ng public sanitation, na sinasabing higit 3.5 milyong kabahayan sa bansa ang walang palikuran at 700,000 ang kinakailangan para sa Metro Manila.
Ikinalulugod nating malaman ang pagpasok ng mga rangers bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap upang malinis ang Manila Bay sa pamamagitan ng paglilinis sa Ilog Pasig at sa 203 creek at iba pang daanan ng tubig na dumadaloy sa Metro Manila. Gayunman, ito at bahagi lamang ng malaking pangangailangan para sa mga manggagawa at tagaplano na kailangang buuin at maipatupad sa mga susunod na buwan at mga taon na may hangaring malinis ang Manila Bay—nawa sa loob ng sampung taon.