NAPUWERSA sa tabla ang laban ni Filipino Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio Jr. kontra kay Kazakh International Master Aitkazy Baimurzin sa opening round ng FIDE World Seniors 2019 Chess Championships nitong Martes sa Rin Grand Hotel sa Bucharest, Romania.

Tangan ang itim na piyesa, nagawang makahirit ng 57-anyos (Elo 2427), sa middle game tungo sa draw ng kanilang Reti Opening. Target ni Antonio na mapataas ang 2nd place na pagtatapos sa torneo sa 2017 edition sa Acqui Terme, Italy.

Ang kampanya ni Antonio sa pandaigdigang torneo ay suportado nina National Chess Federation of the Philippines chairman/president rep. Prospero “Butch” Pichay Jr., Philippine Sports Commission at ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chair at CEO Andrea Domingo.

Sunod na makakaharap ni Antonio, suportado rin ng Prage Ma-nagement Corporation at ng Xavier School, si David Filipovich (Elo 2050) ng Canada sa Round 2.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagpakitang gilas naman si International Master Angelo Young (Elo 2288), natapos pasukuin si Welsh Davis Lee (Elo 1921) sa 32 moves ng Queens Pawn Opening tangan ang puting piyesa.

Sa 65-and-over section, tabla rin si Fide Master Cesar Caturla (Elo 2276) kontra kay Ukranian Moisel Khazankin (Elo 1954) sa 50 moves ng Sicilian Dragon.

Si Caturla na miyembro sa Philippine team sa 1976 Haifa (Israel) Chess Olympiad ay makahaharap si Italian Fide Master (FM) Giuseppe Valenti (elo 1982) sa Round 2 na galing din sa draw kay Ukranian International Master (IM) Valentin Bogdanov (elo 2350) sa opening round