UMAASA si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Pena, na maitataas ng ahensiya ang bilang ng mga iskolar nito sa 13,000 para sa 2020, matapos ang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral na kumuha ng scholarship exam nitong Oktubre.

“Eleven thousand at the least, but hopefully we could open 12,000 to 13,000 slots for SY 2020-2021,” pagbabahagi ni dela Pena nitong Lunes.

Ang bilang, aniya, ay nakadepende sa maaaprubahang budget para sa 2020 at sa savings ng ahensiya.

Pagbabahagi ng kalihim, malaki ang itinaas ng bilang ng mga kumuha ng pagsusulit mula sa 80,000 noong nakaraang taon sa 113,000 nitong Oktubre.

Aniya, ang mga kumuha ng pagsusulit ay mga aplikante para sa college freshman scholarships.

Binigyang diin din ng DOST chief, na tumaas din ang bilang ng mga nabibigyan nila ng scholarship mula sa 8,000 noong 2018 patungong 9,900 ngayong taon.

Una nang sinabi ni dela Pena, na ang pagbibigay ng scholarship sa mga mag-aaral ang matagal nang prayoridad ng DOST upang matulungan ang pag-angat ng human resources sa bansa.

Noong 2018, nasa 36,772 iskolar, ayon sa ahensiya, ang kanilang nasuportahan.

Muli nang nanawagan ang kalihim sa mga Pilipinong mag-aaral na kumuha ng doctorate sa mga kursong agham at samantalahin ang ibinibigay na scholarship ng DOST.

PNA