GINUNITA ng bansa nitong nakaraang linggo ang super-typhoon Yolanda na tumama sa bansa noong Nobyemre 8, 2013, dala ang hanging umaabot sa 305 kilometro kada oras, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa mundo noong 2013, at isa sa pinakamalakas sa kasaysayan.
Gayunman, hindi inasahang mas malakas ang dala nitong daluyong, na may alon ng tubig na umaabot anim na metrong taas na pumalo sa kalupaan, na nagdulot ng pagkasira ng mga kabahayan at gusali na nakaligtas sa malakas na hangin. Naapektuhan ng bagyo ang 44 na probinsiya, winasak ang nasa 1.1 milyong kabahayan, sumira sa kabuhayan ng 5.9 milyong manggagawa, at kumitil sa buhay ng nasa 6,000 katao. Halos 90 porsiyentong nawasak ang lungsod ng Tacloban sa Leyte.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvado Panelo na ang mga ‘natural hazards’ ang bagong normal na ngayon habang nagbibigay-pugay siya sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan na tumulong sa mga biktima upang makaahon mula sa trahedya. Hanggang sa ngayon, inirereklamo ng mga miyembro ng Community of Yolanda Survivors and Partners sa mga probinsiya ang mga substandard na pabahay na itinayo ng pamahalaan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Kasabay ng panawagan ng mga Yolanda survivors para sa aksiyon ng pamahalaan hinggil sa mga pabahay, at iba pang problema, inirereklamo rin ng mga tao mula sa isa pang lungsod—ang Marawi City sa Lanao del Sur –ang pagtatayo at rehabilitasyon ng Marawi, matapos itong atakihin at okupahin ng limang buwan ng mga Islamic rebel noong 2017, na nananatiling wasak hanggang sa ngayon.
Sinabi ng Marawi Reconstruction Conflict Watch (MRCW) sa pagdinig ng House Subcommittee on Marawi Rehabilitation nitong nakaraang linggo, na hindi makapagbigay ang mga sangkot na ahensiya ng pamahalaan, nang malinaw na pagtataya para sa P5.52-bilyong pondo na inilabas na ng pamahalaan. Habang panibagong P4 bilyong ang hindi pa nailalabas ng Department of Budget and Management, anila.
Para sa rehabilitasyon ng Marawi, na winasak ng limang buwang bakbakan na nagwakas noong Oktubre 2017, naglaan ang pamahalaan ng P5 bilyon noong 2017 at P10 bilyon mula sa National Disaster Risk Reducion Management Fund, dagdag pa ang P5 bilyon mula sa mga unprogrammed appropriations sa 2018 General Apprpriations Act. Nakatanggap din ang Pilipinas ng donasyon mula sa ilang mga bansa.
Ngunit ngayon, ayon sa MRCW, lumalabas na tila magulo ang rehabilitasyon ng pamahalaan. Nasa 200,000 residente umano ng Marawi ang kailangangmabigyan ng kompensasyon, ani ng MRCW, kasama ang maraming institusyon tulad ng mga paaralan at mga ospital.
Nakalulungkot isipin, na nananatili hanggang sa ngayon ang problema sa rehabilitasyon ng mga biktima ng Yolanda noong 2013—anim na taon makalipas ang trahedya. Maaaring sisihin dito ng bagong administrasyon ang dating administrasyon, ngunit makalipas ang tatlong taon, dapat na nakagawa sila ng sapat na pagbabago upang maitama ang mga naging pagkakamali sa nakalipas.
Para sa rehabilitasyon ng Marawi, dapat itong maging oportunidad sa administrasyong Duterte upang ipakita na may higit itong magagawa at kakayahan kumpara sa nakaraang administrasyon sa pagtugon sa mga biktima ng trahedya—ito man ay natural tulad ng Yolanad o likha ng tao tulad ng digmaan sa Marawi.