DAHIL ayaw na niyang muli pang “madapa” o matalisod, ingat na ingat ngayon si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa pagpili ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) matapos mag-resign at magretiro si Gen. Oscar Albayalde bunsod ng umano’y pagkakasangkot sa “ninja cops.”
Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na sinusuring mabuti ni Mano Digong ang rekord ng mga kandidato bilang Puno ng 180,000-strong police. Ito ang dahilan kung bakit medyo natatagalan kung bakit hanggang ngayon ay wala pang kapalit si Albayalde.
Si Albayalde kung hindi pa ninyo alam ay “mistah” o classmate ni ex-PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa (PMA Class 1986). Ayon sa mga ulat, si Bato ang nagrekomenda kay PRRD na maging kapalit niya nang siya’y magretiro.
Umaasa ang taumbayan na hindi na “madadapa” ang Pangulo sa paghirang sa bagong PNP chief tulad ng nangyari sa kaso ni Albayalde na nakaladkad sa “ninja cops” noong siya ang Pampanga provincial director. Ang mga tarantadong pulis ang nagre-recyle ng bultu-bultong shabu na nasasamsam sa mga operasyon at muling ibinebenta sa labas para pagkakitaan.
Ngayong si VP Leni na ang drug czar ng Duterte administration at co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), gusto niyang kunsultahin at makipagtulungan sa United States government at sa United Nations (UN) para sa mabisang pagbaka sa illegal drugs sa Pilipinas.
Habang sinusulat ko ito, nakatakdang makipagpulong si beautiful Leni sa mga kinatawan ng United Nations Office on Drugs and Crime. Ayon sa kanya, kailangang makipagpulong siya sa mga ito dahil ang UN ODC ay may mga pag-aaral na may kinalaman sa anti-illegal drugs.
Nakatakda ring makipagpulong ang Bise Presidente sa mga opisyal ng US Embassy at sa law enforcement cluster ng ICAD sa linggong ito. Nang tanungin baka ma-upset o hindi magustuhan ng Pangulo ang pakikipagpulong niya sa UN ODC, naniniwala siyang hindi naman siguro dahil hindi salungat si PDu30 sa ganitong kampanya.
Ayon sa biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo, ang ating Presidente ang nag-apruba sa Philippine Anti-Drug Strategy, at sa estratehiyang ito kailangan ng Pilipinas ang kooperasyon ng internal organizations hindi lamang ng ibang mga bansa.
Binigyang-diin ni VP Robredo na bukod sa mga lesson na makukuha ng ating bansa mula sa international agencies at ibang mga bansa, magkakaroon din ng tsansa o access ang PH sa mahahalagang mga impormasyon.
Ang Pilipinas ay may 100 milyong populasyon. Ang China ay may 1.3 bilyong populasyon. Gayunman, batay sa mga ulat, tinalo ng ating bansa ang dambuhalang nasyon sa pag-angkat ng bigas nitong 2019. Ang dahilan: Binuksan ng PH ang pintuan para sa rice importation kung kaya kahit sino ay malayang makaangkat ng bigas na naging dahilan sa pagbagsak ng presyo ng palay ng mga magsasakang Pilipino.
-Bert de Guzman