BILANG drug Czar na hinirang ni Pres. Rodrigo Roa Duterte, nais ni Vice Pres. Leni Robredo na ang anti-illegal drug war ng Duterte administration ay “zero killings” sa halip na “kill, kill, kill” ng Operation: Tokhang noon na maraming inosenteng sibilyan ang napapatay.
Ibig lang sabihin ni VP Robredo sa “zero killings” ay “no senseless killings” o walang patumanggang pagbaril at pagpatay ng mga pulis sa drug buy-bust operations laban sa pinaghihinalaang tulak at adik. Siyempre alam ni beautiful Leni na isang abogada, na sa ano mang operasyon laban sa mga sindikato at grupong kriminal, tiyak na may casualty/fatality kapag nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng alagad ng batas at ng masasamang loob.
Nilinaw ng Pangalawang Pangulo na hindi naman siya kontra sa tinatawag na Operation: Tokhang. Ang Tokhang ay nangangahulugan lang ng “Katok at Pakiusap” sa mga suspected drug pushers at users na itigil na ang paggamit ng shabu. Kapag sumunod sila, okey lang. Kapag sumuway, sila ang bahala.
Gayunman, ang “tokhang” na inilunsad noon ni ex-PNP chief Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ay tinampukan ng madugo at malagim na kamatayan ng ordinaryong mga pushers at users na nagsimula noong 2016 matapos maupo sa puwesto si Mano Digong. Halos gabi-gabi ay may napapatay na tulak at adik sa buy-bust operations dahil NANLABAN daw ang mga biktima.
Lumakas ang loob ng mga pulis noon nang sabihin ni PRRD na sagot niya sila sa pagbaril at pagpatay sa mga tulak at adik na salot ng lipunan. Noong una, wala ang salitang “kapag nanlaban”, pero nang umalma ang publiko sa basta na lang pagbaril at pagpatay sa pushers at users, niliwanag na gagawin lang ito “kapag nanlaban” sila.
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Eh sino naman ang magsasabing hindi NANLABAN ang pinatay?’ Sino ang maglalakas-loob na sasaksi na hindi NANLABAN ang biktima at wala itong baril?” Sabad ni Senior Jogger: “Takot lang ng tetestigo na hindi naman nanlaban ang binaril, baka sila naman ang barilin sa susunod.”
Sa pulong ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na ipinatawag ni VP Leni, tiniyak ni PNP Officer-in-Charge (OIC) Archie Francisco Gamboa na sa paglulunsad ng anti-illegal drug campaign, lahat ng operasyon laban sa drug offenders ay “in accordance with the rule of law.” Sa Tagalog, “alinsunod sa itinatakda ng batas.”
Kapag ganito ang naging patakaran ng PNP at sinunod ng mga pulis ang alituntunin ng batas, aba baka masunod ang kagustuhan ni VP Robredo na “zero killings.” Sakaling magkaroon man ng karahasan at patayan, magiging minimal lamang at kakaunti ang mga mapapatay na inosenteng sibilyan samantalang ang mga tulak at adik ay huhulihin nang buhay, dadalhin sa rehabilitation centers para magamot at magbagong-buhay.
Nagretiro na si PNP chief Gen. Oscar Albayalde noong Nobyembre 8, ang petsa ng kanyang ika-56 taong kaarawan. Sa pagreretiro, nais niyang gamitin ito sa piling ng kanyang pamilya. Dahil hindi siya kinasuhan ng National Police Commission (Napolcom) sa isyu ng “ninja cops”, tatanggapin ni Albayalde ang retirement benefits, kabilang ang buwanang pensiyon na P200,000.
-Bert de Guzman