AGAW-PANSIN ang magandang disenyo ng mga poste ng ilaw na nakatayo ngayon sa magkabilang bahagi ng Jones Bridge, sa nakalipas na mga linggo. Mula sa pagiging isang simpleng istruktura na nagkokonekta sa Binondo at Intramuros, bilang nagkaroon ng bagong buhay ang tulay sa mga itim na mga poste ng ilaw – ang pinakabagong pagbabago na ipinatupad ni bagong Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kasama ng P20 milyong donasyon ng ilang mga negosyanteng Chinese lalo’t malapit lamang ito sa isang heritage site sa Ilog Pasig.
Hindi kasing abala ng Quezon Bridge sa Quiapo o Nagtahan Bridge malapit sa Malacañang ang Jones Bridge, ngunit may mayaman itong kasaysayan na ngayong naaalala sa pagkakabit ng mga poste ng ilaw. Taong 1919 nang itayo ang orihinal na instruktura, upang palitan ang Puente Espana na itinayo ng mga Espanyol noong 1876. Ipinangalan ito sa Amerikanong mambabatas na si William Atkinson Jones, ang umakda ng Jones Law, na nagbibigay sa Pilipinas ng lehislaturang pamamahala mula sa US noong 1916.
Ang konstruksiyon ng Jones Bridge noong unang bahagi ng ika-20 siglo ay bahagi ng pangunahing plano ni Daniel Burnham, na naging inspirasyon ang ilog ng Seine sa Paris at ang mga canals ng Venice at nakita nila ang Pasig na may kahalintulad na sistema ng mga tulay. Matapos ang pagpasa ng Jones Act, pumalit ang Pilipinong arkitekto na si Juan M. Arellano at siyang tumapos sa disenyo ng tulay. May tatlo itong arko at dalawang pier na katulad ng Pont Alexandre III sa Paris. May apat na istatwa na nagpapakita ng ‘motherhood’ at ‘nationhood’ ang nakalagay sa pedestal ng magkabilang dulo ng tulay.
Sa Battle of Manila sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945, binomba ng mga Hapon ang tulay upang mapigilan ang mga Amerikano na makausad pa norte at isa sa apat na istatwa ang nasira. Mabilis na inayos at itinayong muli ang Jones at Quezon bridge makalipas ng digmaan, ngunit ang neo-classical nitong disenyo ay pinalitan ng walang dekorasyong arkitektura. Noong 1988, bahagyang ibinalik ang disenyo ng tulay, sa pamamagitan ni architect Conrad Onglao, na kinomisyon ni dating First Lady Amelita Ramos.
Ngayong taon, inanunsiyo ni Mayor ‘Isko’ Moreno ang mga plano para sa Jones Bridge, kabilang ang pagbabalik ng tatlong orihinal na iskultura, na ang isa ay nasa Luneta, habang ang dalawa pa ay nasa gusali ng Court of Appeals sa Ermita. Ang ikaapat na iskultura na nasira noong digmaan ay papalitan ng replika, gamit ang mga archive sa National Library of the Philippines.
Ang mga lumang poste ng ilang ay mas simple ngunit ang bagong ikinabit, na idinesenyo ni architect Jeeery Acuzar, ay malapit sa itsura ng original na disenyo upang ipakita sa mga tao ang itsura ng Maynila noong unang panahon bago pa ito wasakin ng digmaan.
Sa pagsisimula ng kanyang administrasyon, sinabi ng alkalde na determinado siyang ibalik ang Maynila sa dati nitong pagkakakilanlan bilang siyudad na kilala sa buong mundo para sa kasaysayan at natural na ganda. Malaking pag-unlad sa ekonomiya ang nangyari sa iba pang lungsod na paligid ng Maynila, ngunit mayroong 500 taon ng kasaysayan ang siyudad na ito na katangi-tangi sa iba. Ang magandang poste ng mga ilaw na ngayong nakatindig sa magkabilang bahagi ng Jones Bridge, ay isang paalala ng pagkakilanlang ito.