“BATAY sa aming nakalap, sinunod niya ang patakaran. Autorisado siyang mag-isyu ng search warrant kahit nasa labas ng kanyang hurisdiksyon,” wika ni Chief Justice Diosdado Peratla sa press conference sa Maynila.
Tinawag niya ito pagkatapos na gawin ng makakaliwang grupo ang picket-protesta sa harap ng Quezon City Hall of Justice nitong Miyerkules laban kay RTC Judge Villavert sa pag-iisyu ng mga walang batayang search warrant na ginamit ng mga awtoridad sa pagsasagawa ng ‘di- makatwiran at istilong Gestapong pag-aresto. Si Cecilyn Burgos-Villavert ay siyang Excutive Judge ng Regional Trial Court ng Quezon City na nag-isyu ng mga search warrant sa mga tanggapan ng Bagong Alyansang Makabayan, Gabriela at Kadamay. May inisyu ang hukom na search warrant sa mga tanggapan na nasa Bacolod City at Escalante town sa Negros Occidental kung saan 51 miyembro ng grupo ang dinakip ng security forces. Tatlong miyembro naman ng Bayan ang inaresto sa ginawang pagsalakay sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Bayan Chair Carol Araullo, ang mga pagsalakay laban sa mga aktibista ay ginamitan ng search warrant at pagtanim ng ebidensiya na nagpapakita ng unti-unting pagsira sa sistemang legal na labag sa rule of law sa ngalan ng counterinsurgency. Kasi, sa ginawang pagsalakay ng mga sundalo at pulis, nakakumpiska sila umano ng mga baril, granada, bala, laptop at cellphone na nasa pag-iingat ng kanilang mga dinakip. Pero, sa 57 inaresto sa Bacolod City at Escalante, 31 ang pinalaya ng prosecutor’s office.
Ang mga pangyayaring ito, na may mga napaslang na tulad ni Reynaldo Malaborbor na labor organizer sa Banay-Banay, Cabuyao, Laguna, ay sistematikong pagsupil sa mga kalaban ng administrasyon . Pagpapairal ito sa counterinsurgency program ni Pangulong Duterte. Ang masidhi nang pagpapatupad ng programa ay nagpapakita na ngayon pa lang ay tumitindi na ang oposisyon laban sa administrasyon. Bakit hindi naman maaasahan na magaganap ito, eh dumarami na ang nagugutom at nakalugmok sa kahirapan. Ang mga polisiya ng gobyerno tulad ng Tarrification Law at deregulation ang dahilan. Kaliwa’t kanan namang binabayo ng kalamidad ang bansa. Samantalang may mga bahagi na ang bansa na sinasalanta ng baha, ang kakulangan naman ng tubig sa Kamaynilaan at karatig pook ang pilit na nireremedyuhan ng Pangulo na dadagdag pa sa pinapasang kahirapan ng mamamayan. Eh pagpapagawa ng Kaliwa dam sa probinsiya ng Quezon ang kanyang solusyon na sisira sa bahagi ng bundok Sierra Madre sa Rizal at Quezon. Wawasakin ang kapaligiran, itataboy sa kanilang ancestral land ang mga katutubo at ilalagay sa panganib na lumubog ang ilang bayan sa Rizal at Quezon.
Samantala, makailang ulit nang dinalaw ng pagyanig ang bansa na grabeng puminsala, tulad ng naganap sa Mindanao. Nasa Mindanao rin ang Marawi na pinulbos ng bomba at bala. May mga bahagi pa ng bansa ang naunang nakaranas ng bagyo at lindol, na tulad ng Marawi, ay hirap na bumabangon pa. Itinuturo ng kasaysayan na kapag ang gobyerno ay hindi na makagwanta sa mga problema, nagiging mapaniil ito para patahimikin ang mamamayan na nagaalburoto na dahil sa kahirapan at kagutuman. Sila iyong mga insurgents sa mata ng gobyernong ito.
-Ric Valmonte