MATAPOS ang matagumpay na paglulunsad ng ‘Disiplina Muna’ (Discipline First) campaign sa Maynila, nais ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isulong din ang programa sa iba pang lungsod sa bansa, partiular sa Marikina, pagbabahagi ni DILG Secretary Eduardo Año, kamakailan.

“We’ll also launch it in Marikina,” pagkukumpirma ni Año.

Walang ibinigay na eksaktong petsa ang Kalihim, bagamat sinabi nito na maaari itong ilunsad bago magtapos ang taon.

“Isasabay namin sa isang activity kung saan isu-showcase ng Marikina ang best practices nila,” aniya.

“Hindi naman paunahan ang labanan diyan kundi kung sino ang mag-sustain,” paliwanag pa niya.

Bahagi ang “Disiplina Muna” ng matagumpay na implementasyon ng road clearing operations sa buong bansa.

Ayon kay Año, layunin ng programa na buhayin at maiangat ang kultura ng displina bilang tulay sa tunay na pagbabago at pagpasok sa tunay na konsepto ng pamamahala kung saan hinihikayat ang mga mamamayan na tumulong upang makamit pambansang pag-unlad.

Ang Maynila, aniya, ang napili para sa pilot launching ng ‘Disiplina Muna’ drive dahil sa ‘politikal will’ ng lider nito na si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso upang maibalik ang dating ganda ng kabisera ng bansa.

“He (Domagoso) was chosen first because he was ready to take on the challenge and because of his strong political will to correct the wrongdoings in Manila,” paliwanag ni Año.

Pinuri rin niya ang Marikina para sa tuloy-tuloy na implementasyon ng mga ordinansa para sa road clearing kasama ang lubos na suporta ng mga barangay at residente.

Dagdag pa ng DILG chief, matagal nang naitatag sa Marikina ang road clearing sa pamamagitan ng regular na probisyon upang magtalaga ng mga tauhan at pagpapatupad nito sa komunidad.

“In Marikina City, for example, obstructions are largely absent and the clearing of roads has been deemed as a non-issue due to the strict implementation of city ordinances regulating the use of sidewalks and roads,”aniya.

Una nang sinabi ni Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na ang tuloy-tuloy at patas na implementasyon ng mga ordinansa ay mahalaga upang maituro sa mga residente ang kahalagahan ng disiplina.

“We make our residents understand that the roads and sidewalks should always be free [from] obstructions as it will equate to order and smooth flow of vehicles in the city,” ani Teodoro.

“This is our contribution to national development,”saad pa ng alkalde.

PNA