NANATILI ang pagiging ‘swimming beast’ ni junior standout Micaela Jasmine Mojdeh maging sa school-based competition.

Hataw ang pambato ng Brent International School-Laguna sa nakamit na limang ginto at isang silver medal, para sandigan ang eskwelahan sa impresibong kampanya sa 2019 United Nations International School (UNIS) Invitational Swimming Championship kamakailan sa Ciputra sa Hanoi, Vietnam.
Inilabas ng Swimming Pinas ace tanker na si Mojdeh ang buong puwersa para masungkit ang Most Outstanding Swimmer award sa girls’ 13-year category.
Mainit na sinimulan ni Mojdeh ang kampanya nang pagwagihan ang 200m freestyle sa pamamagitan ng impresibong dalawang minuto at 17.77 segundo kasunod ang pamamayagpag sa 100m Individual Medley sa tyempong 1:10.39.
Hataw din ang national junior record holder sa 50m butterfly (30.21), 50m breaststroke (37.07) at 100m butterfly (1:04.77).
Sinandigan naman niya ang relay team sa pagkopo ng tanso sa 200m medley relay.
“It’s her first international meet representing Brent International School and we’re happy with the outcome. We want to thank Brent International School for giving proper exposure and for supporting Jasmine,” pahayag ni Swimming Pinas team manager Joan Mojdeh.
Nagpasiklab din ang White siblings na sina Heather, Ruben at Hannah na gaya ni Mojdeh ay produkto rin ng Philippine Swimming League (PSL) sa ilalim ng namayapang PSL president Susan Papa.
Sumungkit ng tatlong ginto at isang pilak si Heather sa girls’ 12-year class habang nakahirit naman si Ruben ng dalawang ginto at dalawang pilak sa boys’ 14-year division.
Namayagpag si Heather sa 100m butterfly (1:10.12), 100m IM (1:12.48) at 50m butterfly (30.81) habang nakapilak ito sa 50m backstroke (32.67).
Sa kabilang banda, umukit si Ruben ng ginto sa 100m butterfly (1:04.35) at 100m IM (1:08.08), at dalawang pilak sa 50m freestyle (25.45) at 50m butterfly (28.49).
Nagdagdag naman ng isang pilak si Hannah sa girls’ 7-year 50m freestyle (41.54).