Sa premiere night ng Two Love You ay maraming nagulat na dumating si Gretchen Barretto na may kasamang tisay na tsinitang babae at pagkatapos bumati at nagpa-picture sa producer ng pelikula na si Ogie Diaz ay umalis din kaagad.

ELAINE YU

Hinatid pala niya sa event ang anak ni Atong Ang na si Elaine Yu, na kasama sa pelikula at ginampanan niya ang karakter bilang bestfriend ni Yen Santos.

Si Elaine pala ‘yung naririnig namin noon pa na anak ni Atong na gustung-gustong mag-artista kaysa mag-negosyo tulad ng daddy niya. Siya rin ang nababanggit sa amin ng common friend namin na daddy’s girl pero itinanggi ito ng baguhang aktres, nagkataon lang na parati silang nagkikita at nagkakasama ng ama.

Tsika at Intriga

ABS-CBN reporter, pumalag sa bastos na tanong na 'Pwede magpa-BJ?'

Nabanggit ni Elaine na family friend nila sina Gretchen at partner nitong si Tony Boy Cojuangco kaya close sila.

“Super supportive sa akin (Gretchen), close talaga siya sa family namin, sa mga anak ko rin.

“Ka-business kasi namin sila (kasama si Tony Boy), so we regularly see each other sa mga party, masarap siya (Greta) magluto, pinapadalhan kami parati (pagkain),” kuwento ni Elaine kung bakit sila close ng kontrobersyal na personalidad.

At dahil sa gusot ng Barretto sisters na sina Gretchen, Marjorie at Claudine ay hindi ba apektado si Elaine at hindi ba siya nag-isip na may relasyon ang tatay niya sa una.

“Sabi nga nila, it’s not my battle (sabay tawa), kaya it’s not my battle. Hindi naman ako apektado kasi iba naman ‘yung balita sa totoo (nangyayari). Ang importante, intact kaming family, ‘yung circle namin maayos,” nakangiting kuwento ng anak ni Atong Ang.

May bashers din daw siya, “actually, dumagdag ng 200 ang followers sa Instagram ko simula nu’ng Barretto (feud), so magandang effect ‘yun sa akin. Mga nang bash, okay lang naman hindi ko sinasagot kasi hindi naman ako involved at hindi naman makakatulong din sa akin.”

Samantala, nabanggit dati ni Ogie na manager ni Elaine na may kapupuntahan ang karera ng niya dahil marunong umarte at sumusunod.

At nabanggit din naman ni Elaine na nag-workshop siya kay Ogie at Ina Feleo. Bata pa siya ay gustung-gusto na niyang mag-artista at sa katunayan ay pumasa na siya sa audition sa Ang TV noon at kasabayan niya sina Camille Prats at Angelica Panganiban.

“Natanggap na ako ni direk Bobot (Mortiz) kaso tatanggalin naman ako sa Chinese school (kung saan siya nag-aaral), so hindi ako pinayagan ng parents ko. Tapos nag-Amerika na kami noong 15-23 years old ako.

“Doon nga nag-aartista pa rin ako sa LA (Los Angeles), sa Vegas (Las Vegas), modelling kasi may agent naman ako ro’n. E, umuwi na ako (Pilipinas) tapos ikinasal na ako’t nagkaanak. Kaya nakabalik lang ako (showbiz) last year lang kaya kay tito Ogie kami lumapit para tulungan kami at mag-manage sa akin,” kuwento ni Elaine.

Hirit namin na may career na pala siya sa Amerika bakit bumalik pa siya rito sa ‘Pinas at hindi siya nanghinayang dahil ‘yung ibang sikat na artista rito ay gustung-gustong mapunta naman doon.

“Mas masaya pa rin sa Pilipinas, iba pa rin dito kasi lahat parang iisang pamilya, sa Amerika kanya-kanya malalayo so, mas okay pa rin dito,” paliwanag ng alaga ni Ogie.

Sa edad na 34 ay hindi halata kay Elaine dahil pumasa siyang 16 years old na anak ni Aga Muhlach sa NUUK.

At dahil tuluy na tuloy na ang pag-aartista niya ay gusto niyang maka-trabaho sina Piolo Pascual, John Lloyd Cruz at Coco Martin.

“Pangarap lang naman ‘yun, pero ako kasi kapag may magagaling akong nakasama, imbes na ma-pressure ako, mas natututo akong lumebel. Kaya gusto ko sana mga ganu’n (tipo ng artista) na natsa-challenge ako,” pahayag ni Elaine.

At hindi niya pinangarap maging bida, “feeling ko mas gusto ko drama, though nag-comedy na ako at nag-enjoy naman, pero mas gusto ko ang drama lalo na kapag kontrabida. Kasi hindi naman bagay sa akin ang kinakawawa, kaya ako na lang ang kontrabida.”

Paano kung kunin siyang kontrabida ni Julia Barretto, (Natawa si Elaine), “okay lang, siya ‘yung mabait, ako ‘yung kontrabida!”

Napansin si Elaine dahil anak siya ni Atong Ang na kunektado sa Barretto sisters.

“Oo nakatulong kasi hindi naman ako mapapansin kung hindi dahil sa kanila pero ‘yung work ko pa rin sana ang mangibabaw hindi naman dapat ‘yung popularity lang, dapat ‘yung trabaho,”katwiran ng aktres.

Pinasalamatan din niya si Gretchen, “thank you tita G to find time to come here and for supporting our movie and promote it.”

-Reggee Bonoan