UMUKIT ng panibagong pahina sa kasaysayan ang koponan ng Creamline na mapanatili ang korona sa katatapos na Premier Volleyball League (PVL) Season 3 Open Conference matapos ganap na walisin ang finals series kontra PetroGazz nitong Sabado sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Makasaysayan ang nasabing panalo dahil naitala sa impresibong 20-game sweep at nagluklok sa kanila bilang back-to-back champions ng season ending conference bukod sa pagiging most winningest squad sa liga may tatlong titulo.

Gayunman, hindi naging madali ang lahat upang makamit ang tagumpay ng Cool Smashers.

Bukod sa sakripisyo, hirap at pagod sa ensayo, marami din silang pinagdaanang matitinding hamon bago nakamit ang kampeonato.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kabilang na rito ang pagka injured ng ilan nilang key players at ang mga pagkakataong hindi sila makumpleto sa ensayo lalo na sa laro.

“There were a few people who said na, ‘Masyadong madali na na-sweep ‘yung season.’ But there were a lot of stories behind the scene,” ayon sa Finals MVP at Best Setter sa ikalimang sunod na pagkakataon na si Jia Morado.

“Actually, napakahirap ng pagkuha ng panalo namin,” pahayag naman ni team captain Alyssa Valdez. “But I believe we had so many struggles and challenges this conference, that’s why we pulled through.”

Ngunit ang mga pinagdaanang pagsubok ang lalong nagpatatag sa Cool Smashers.

Sa mga dinaanan ding hamon, nagkaroon ng pagkakataon ang iba pang miyembro ng koponan na makatulong at makapagbahagi ng kanilang kakayahan na syang nakatulong upang mas lumakas at lumalim ang team.

-Marivic Awitan