PUNO ang Trinoma Cinema 4 sa ginanap na celebrity screening ng iWant original movie na Barbara Reimagined na idinirek ni Benedict Mique na hango sa horror film ni Celso Ad Castillo na Patayin Mo sa Sindak si Barbara na binigyan ng bagong twist.
Kasalukuyang napapanood na sa iWant ang Barbara Reimagined na ang mga bida ay sina Nathalie bilang Barbara, JC de Vera as James, Mariel de Leon, Karen na kapatid ni Barbara, Xia Vigor as Isabelle na anak nina James at Karen.
Isinabay ang pagpapalabas sa iWant ang Barbara Reimagined sa pagdiriwang ng ika-45 anibersaryo ng orihinal na iconic horror film ni Celso na pinagbidahan noon ni Ms Susan Roces.
Simula noon, nakilala ang pelikula bilang isa sa mga natatanging horror film ng Pinoy cinema at nagbunga ng iba pang remakes para sa iba’t ibang henerasyon ng viewers. Gumanap na bilang Barbara si Lorna Tolentino sa Patayin sa Sindak si Barbara noong 1995 at si Kris Aquino naman sa isang ABS-CBN teleserye noong 2008.
Gaya ng ibang mga remake, tampok sa “Barbara Reimagined” ang kumplikadong kuwento ng dalawang magkapatid sa isang pelikulang puno ng paninindak.
Ngunit madadagdagan ng kakaibang takot ang bagong iWant movie dahil maghahandog ito ng isang nakakagimbal na twist sa istorya na hindi aasahan ng mga manonood.
Ang Barbara Reimagined ay ipinrodus ng LoneWolf Films at ni Malaya Roxanne Santos.
-Reggee Bonoan