INAMIN ni Arjo Artayde sa nakaraang presscon ng Bagman Season 2 na mahigit sa tatlong beses nilang pinanood ni Maine Mendoza ang pelikulang Isa Pa with Feelings at pinuri niya ang acting ng dalaga.
“She improved so well at kung anuman po ‘yung hiningi niyang comment ko, samin na lang po yun.
“Ang gusto kong eksena at paborito ko ay ‘yung nag-sorry siya, ‘yung pinakaunang eksena, nagso-sorry siya kay Carlo (Aquino) na hindi pa sila magkakilala na bigla siyang nag-breakdown. I don’t know it just so real, yun ang pinakatumatak sa akin na eksena niya,” pahayag ng aktor.
Sundot namin kung may naramdaman siyang selos sa kissing scene nina Carlo at Maine sa ending ng pelikula na ayon sa aktor ay hindi dinaya.
“I’ve watched it, I’m just a human being, I’m a guy, I don’t want it, I don’t wanna see it, but it’s part of her (sa pelikula), you know. Pero walang selos. But I don’t think any person would be okay seeing anyone kissing like that, pero it’s part of her, I’m being honest It’s not okay with, but it’s part of her so yeah, it’s okay,” pagtatapat ng aktor.
Paano naman napapanatili nina Arjo at Maine ang matibay nilang relasyon kahit na magkahiwalay sila ng network.
“Happy, happy (lang), very happy and we never stop enjoying each other’s company and never get enough of her, I think. That’s how it should be,” sambit ng binata.
Samantala, matagal nang inaabangang Bagman Season 2 ay mapapanood na sa Miyerkoles, Nobyembre 13 sa iWant handog ng Dreamscape Digital Entertainment at Rein Entertainment na sinulat at idinirek ni Shugo Praico.
Sa ginanap na mediacon ng Bagman 2 nitong Biyernes, ay nabanggit ni direk Shugo na mas compelling o mas powerful ang season 2 at kailangan may katapat si Arjo as Benjo Mayala bilang siyang bida ng digital series, si Carlo Aquino bilang si Eman Abrera, the Hitman.
“Abangan dito ‘yung tapatan nila, mas kumplikado ‘yung pagdadaanan ng karakter, mas masalimuot ‘yung papasukin niyang mundo (bilang gobernador), over all mas thrilling, mas suspenseful, mas mataas na ‘yung korupsyon na napasok niya,” say ni direk Shugo.
Inspired by true events ang kuwento ng Bagman 2 pero walang partikular na taong binanggit kung sino, ayon pa sa direktor.
Tinanong namin si Arjo kung mabait siyang governor sa season 2 o minana niya ang ugali ng dating gobernador na corrupt at maraming pinapapatay.
Matagal bago nakasagot ang aktor dahil baka nga naman may masabi siyang magiging give-away na ang kuwento ng Bagman Season 2.
“He’s trying to make a difference, the governor is trying to make difference of what is there, what is in front of him, the reality. Kung ano ang nakasanayan niya, susubukan niyang baguhin. Kung masama man ang isang tao, kailangang intindihin dahil mayroon siyang rason at kung anuman yun, puwedeng pamilya, puwedeng pera, puwedeng mas malalim pa,” paliwanag ni Arjo.
May sariling bagman din ba si Benjo, “kailangan n’yo po abangan, Bagman 2 is a wild story.”
Bukas, Martes naman gaganapin ang celebrity screening ng Bagman 2 sa Santolan Town Plaza sa ganap na 6PM.
Ang iba pang kasama sa Bagman 2 ay sina Irma Adlawan, Rez Cortez, Joel Saracho, Mon Confiado, Rollie Inocencio, Menggie Cobarrubias, Chanel Latorre, at Rosanna Roces.
-REGGEE BONOAN