“KAHIT sinasabi nila na ang alok ay pamumulitika lamang at hindi ako susundin ng mga ahensiya at gagawin nila ang lahat upang ako ay mabigo, nakahanda akong tiisin ang lahat ng ito dahil kung makasasagip ako kahit isang inosenteng buhay, na siyang idinidikta ng aking prinsipyo at puso, susubukan ko.” Wika ni Vice President Leni Robredo sa pagtanggap niya nitong Miyerkules ng posisyong inalok sa kanya ni Pangulong Duterte bilang co-chair ng interagency laban sa droga.
Hinirang ng Pangulo si Robredo noong Oktubre 31, pero nito lang Martes inanunsiyo ng Malakanyang ang kanyang pagkakahirang. Ginawa ito ng Pangulo pagkatapos sabihin ni VP Leni sa panayam sa kanya ng Reuters na ang tinatarget lamang ng war on drug ay ang mga dukha at hinahayaang ang mga pulis na abusuhin ang kanilang kapanyarihan. Bigo, aniya, ang war on drug dahil nanatiling laganap ang problema.
Sabi pa ni VP Leni: “walang mawawala sa akin. Ang pinakamahalagang konsiderasyon sa sakin ay simple: Kung ito ang pagkakataon para matigil ang mga pagpatay ng mga inosente at mapanagot ang mga responsable, tinatanggap ko ang hamon. Ginoong Pangulo, dalawang taon at kalahati na lang nalalabi sa iyong administrasyon. Hindi pa naman huli. Puwede pa tayong magkasamang magtrabaho dito. Tinatanong nila ako kung ako ay handa para sa tungkuling ito? Ang tanong ko: Nakahanda ka ba para sa akin.”
Pero, magiingat din ang Bise- Presidente. Bagamat sinabi ng Pangulo na isinusuko niya ang lahat ng kanyang kapangyarihan hinggil sa problemang ito ng droga, hindi naman pala saklaw ng kapangyarihan ni VP Leni bilang co-chair ng Inter- Agency Committee on Anti- Illegal Drugs ang aktuwal na operasyon nito. Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, isang presidential appointee ang mamumuno ng aktuwal na operasyon na ang posisyon ay commander ng National Task Force on Illegal Drugs. Hindi, aniya, itinitalaga si VP Leni sa posisyong ito na overall commander. “Ang paggawa ng polisiya ay siyang sakop ng kapangyarihan ng co-chair kung saan makatutulong si Robredo bilang abogado at masisiguro na ang kampanya ay naaayon sa batas,” sabi pa ni Guevarra. E, laging nasa implementasyon ang problema. Kahit anong ganda ng polisiya, kayang sirain ng implementasyon ang layunin nito. Ayan na nga at sinabi na ni Sen. Bong Go na siya naman ang magbibilang ng mapapatay ng war on drugs ngayon si VP Leni na ang kasamang magpapairal.
Ganoon pa man, kahit paano masisilip na ni VP Leni ang madilim na kuweba na pinagkukublihan ng maraming kababalaghan. Bagamat alam na ng taumbayan ang mga ito, ang wastong pigura ay hindi pa gaanong malinaw sa kanila. Makatutulong palinawin ito ng anumang impormasyon makukuuha ng Bise-Presidente kung ibabahagi niya ito sa bayan. Ang pangunahing pigura ng halimaw na dapat luminaw nang lubasan ay: Sino ang supplier ng droga at ang mga galamay nito?
-Ric Valmonte