ISA sa mahalagang bagay na maitutulong ni Bise Presidente Leni Robredo sa nagpapatuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga ay ang higit na pagiging bukas nito sa mga operasyon. Nagdulot ang kampanya ng maraming mga pagbabago na nagbukas din ng maraming mga katanungan—mula sa aktuwal na bilang ng mga namatay, hanggang sa kung paano naipupuslit pa rin ang bulto-bultong droga sa customs, at kung paanong sangkot mismo ang mga pulis sa ilegal na gawaing ito.
Nitong Hunyo, inanunsiyo ng Presidential Communications Operation Office sa Malacañang ang tinawag nitong “real numbers” sa pagtataya ng pulisya hinggil sa anti-drugs drive. Nasa kabuuang 4,279 drug suspect ang napatay sa kampanya mula noong 2016, anila. Sa ibang mga pagtataya—umaabot sa 12,000—na wala naman, anilang, basehan. Sinundan naman ito ng paglalabas ng Philippine National Police ng bilang na 22,938 na pagkamatay, na inilarawang “Deaths under Inquiry.” Ang mga ito ay nasawi dahil sa nakawan, away ng mga gang, ambush, at iba pa, sinasabing nasa –33 katao bawat araw ang napatay sa unang 665 araw ng administrasyon. Ilan na nga ba sa mga kasong ito ang nalutas na?
Habang patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga drug suspect, malaking kargamento ng droga na nagkakahalaga ng bilyong piso ang natagpuan sa mga warehouse. Iba pang kargamento ang pinaniniwalaang ipinuslit sa pamamagitan ng mga magnetic lifters na natagpuan sa Manila International Container Port. Habang patuloy na pinuputol ng pulisya ang demand ng droga sa merkado, nananatiling tila matatag ang suplay. Lumalabas na higit na malaki ang problema ng bansa sa droga, ‘di tulad ng inasahan. Saan nanggagaling ang mga droga at paano?
At, habang inaasahan ang maayos na pagpapatupad ng operasyon at mahigpit na sumusunod na batas at regulasyon, natuklasan na noong 2013, itinago umano ng Pampanga PNP ang karamihan sa mga droga na nakumpiska nito at muling ibinalik sa merkado—at sangkot umano rito ang mismong pinuno ng PNP, nang ito ay hepe pa ng Pampanga. Dahil dito nagtataka ang marami: Gaano kalalim ang kaugnayan ng pulisya sa problema ng droga?
Tulad ng maraming kritiko, ito rin ang tanong ng Bise Presidente. At nagdesisyon nga si Pangulong Duterte na italaga si Robredo bilang co-chairman ng task force laban sa droga, ang Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) na pinamumunuan ni Director General Aaron Aquino ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Nang malinaw na nainis ang Pangulo sa naging kritikal na pahayag ni Robredo sa kampanya laban sa ilegal na droga, agad niya itong hinamon na siyang mamuno sa loob ng anim na buwan upang makita kung mas may magagawa ito, mabilis na sinabi ni Aquino na mabibigo si Robredo dahil siya ay “not abreast with the supply reduction efforts and lacks experience in dealing and working with law enforcers.” Mabilis itong nagbago ng isip nang tanggapin ni Robredo ang alok ni Duterte na sumali sa ICAD, at ngayo’y sinabing “[she] well contribute to the advocacy and rehabilitation/reintegration clusters.”
Ito ang mga taong makakatrabaho ng Bise Presidente sa ICAD at siya ay co-chairman lamang. Ang tunay na pagpaplano at operasyon ay mananatiling hawak pa rin ni Aquino at ng ibang opisyal ng administrasyon.
Ang maaari niyang magawa ay ang kumuwestiyon hinggil sa drug campaign mula sa kanyang bagong posisyon sa isang mas mataaas na antas ng operasyon. Maaari itong humantong sa mas bukas na kampanya na nagtatakwil sa mga gawaing tulad ng naging aksiyon ng Pampanga PNP noong 2013, maiwasan ang aksiyon at kawalan ng aksiyon na nagpapahintulot sa paglusot ng malalaking kargamento ng droga sa customs, at mahikayat ang mga pulis na sumunod sa batas sa kanilang mga operasyon at iba pang operasyon.
At tiyak na malaki rin ang magagawa niya na maisulong ang bahagi ng kampanya na hindi nabibigyan ng importansya—ang rehabilitasyon sa mga nalululong sa droga, tulad ng mungkahi ni Director General Aquino