SA nakalipas na mga buwan, sunod-sunod ang mga hindi katanggap-tanggap na pagsubok na sumapol sa industriya ng agrikultura sa bansa. Matapos ang tariffication law, na nagtanggal sa monopolyo ng pag-aangkat ng bigas ng pamahalaan, higit pang nasapol ang industriya sa pananalasa ng African swine flu breakout. At kamakailan lamang, ang sunod-sunod na malalakas na pagyanig na tumama sa Mindanao, na nakaapekto sa libu-libong ektaryang sakahan.

Sa likod ng mga suliraning ito, nagkakaisang ipinasa ng Senado nitong Nobyembre 4, 2019, ang isang joint resolution na nagbibigay ng kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) bilang exclusive buyer ng palay na inaani ng mga Pilipinong magsasaka. Ang resolusyon, na maituturing na isang maagang Pamasko sa magsasaka, ay nagbibigay ng mandato sa Department of Social Welfare and Development na makipag-ugnayan sa NFA at bumili ng palay sa mga probinsiya na nakararanas ng oversupply.

Kung mahigpit at tamang maipatutupad, magsisilbi rin ito bilang “vi-able strategy” na magbibigay sa mga magsasaka ng pagkakataon na makatanggap ng disenteng kita, na hihikayat din sa kanila upang magpatuloy sa pagbubungkal ng kanilang mga sakahan, at sa lokal na pamahalaan upang magamit ang NFA stocks bilang mapagkukunan ng bigas na magagamit sa mga feeding program, kalamidad, sa mga kulungan, ospital, at iba pang institusyon.

Sa ilalim ng konsepto, ang bigas na bibilhin ng NFA ay ipamamahagi sa

mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang kapalit ng salapi na dating ibinibigay, na umano’y nagiging daan para sa pag-aabuso, kabilang ang pagsasanla ng mga ATM cards bilang pambayad sa mga utang na may mamalaking tubo.

Sa ilalim ng 4Ps program, makatatanggap ang mga benepisyaryo ng 20 kilo ng bigas kada buwan, na katumbas ng P600 sa presyong P30 bawat kilo. Kung kukuwentahin ng kada buwan, katumbas ito ng 82 milyong kilo kada buwan o 19,680,000 milyong sako ng bigas bawat taon. Sa 2019 pa lamang, umaabot sa P33.9 bilyon ang inilaan para sa rice subsidies sa pambansang budget.

Tulad ng sinabi ni Sen. Cynthia Villar, pinuno ng Senate committee on agriculture and food, tinutugunan ng resolusyon ang isyu kung paano pinakamainam na malulutas ang paghihirap ng mga magsasaka laban sa ‘di makatarungang presyo na isinisisi sa mga rice cartel at mapagsamantalang mga mangangalakal.

Higit pang mahalaga rito ang epekto ng resolusyon na lilikha ng matatag na suplay ng bigas at presyo sa kanila ng mga lantad na pagsubok na inilalatag ng tariffication law. Para sa industriya ng agrikultura na dumaan na sa maraming mga pagsubok, ang kasiguraduhang makatatanggap ang mga magsasaka ng makatwairang kita mula sa kanilang mga lupa ay nangangahulugan ng isang mas matatag na ekonomiya.

Walang nakaaalam kung anong magiging epekto ng inisyatibong ito ni Villar para sa mga cartel na nagmamanipula sa suplay ng bigas sa merkado. Ang malinaw, bagaman, ay makasisiguro ang mga magsasaka para sa mas magandang presyo ng kanilang palay, na kalaunan ay makaaalpas din mula sa mga mapagsamantalang mangangalakal. Isa itong magandang pagbabago, kung maituturing.

-Johnny Dayang