HIGIT sa karamihan ng iba pang mga grupo sa mundo, ang Asians ang sinasabing napakasensitibo sa tila aroganteng pag-uugali at aksiyon ng ibang tao. Ito ang maaaring paliwanag sa nangyari sa Bangkok, Thailand, sa idinaos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit nitong unang bahagi ng linggo. Bukod sa ten-nation ASEAN meeting ng matataas na opisyal – karamihan ay prime ministers at presidents -- ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam -- nariyan ang ASEAN+3 Summit kasama ang Japan, China, at South Korea at ang ASEAN+6, idagdag pa ang Australia, India, at New Zealand.
Nakatakdang makipagpulong ni US President Trump sa ASEAN leaders nitong Lunes, ngunit sa halip ay ipinadala niya si Commerce Secretary Wilbur Ross, kasama si National Security Adviser Robert Obrien. Halatang hindi natuwa sa desisyon ni Trump na huwag dumalo sa pagpu0pulong, at magpadala na lamang ng low-ranking officials, pito sa sampung ASEAN leaders ang nagboykot sa meeting at nagpadala ng mas mababang opisyal. Ipinadala ni Pangulong Rodrigo Duterte si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr.
Kaya naman tatlong ASEAN leaders lamang ang nakapulong ni Secretary Ross – ang host na si Thailand Prime Minister Prayuth Chan-cha, Vietnam Prime Minister Nguyen Xuan Phuc, at Laos Prime Minister Thongloun Sisoulith. Binasa ni Secretary Ross ang talumpati ni President Trump na iniimbitahan ang ASEAN leaders sa Washington, DC, para sa isang “special summit” sa unang bahagi ng susunod na taon. Kahit na wala si Trump, sinikap ng US business at government officials na idiin ang commitment ng US sa rehiyon sa kumperensiya na dinaluhan ng 1,000 opisyal ng ASEAN.
Nitong nakaraang Linggo, nakipagpulong ang sampung ASEAN leaders kay China Prime Minister Li Keqiang na dumalo sa summit bilang kinatawan ni President Xi Jinping. Sina Japan Prime Minister Shinzo Abe at South Korea President Moon Jae-In ay nakasama kalaunan ng ASEAN leaders sa ASEAN+3 summit.
Sinasabing itinuturing ng ilang US officials ang partial boycott ng ASEAN leaders sa pagpupulong kasama ng US representative na pagtatangkang ipahiya si Trump na nahaharap sa impeachment proceedings sa US Congress. Marahil, ang kanilang desisyon na magpadala na lamang ng kinatawan ay isa lamang simpleng sagot sa pagpapadala ni Trump ng isang minor US official. Maaari naman niyang ipadala si Vice President Mike Spence; dumalo siya sa ASEAN Summit sa Pilipinas noong nakaraang taon. O puwede naman si Secretary of State Mike Pompeo na humahawak sa foreign affairs ng America. Sa halip, ipinadala ni Trump ang secretary of commerce at ang national security adviser.
Ang hindi pagdalo ng pito sa sampung ASEAN leaders sa pulong kasama ang US secretary ay hindi dapat ituring na isang official foreign relations position ng pitong nasyon. Iyon ay tugon lamang ng bawat Asian leaders sa isang ipinapalagay na bahagyang pagmamaliit. Kung masyadong abala si President Trump para makipagpulong sa kanila, sila rin ay mayroong mas mahahalagang bagay na dapat asikasuhin.