SA ikatlong sunod na pagkakataon, naipanalo ng Adamson University ang do-or-die game sa stepladder semifinals makaraang ungusan ang University of Santo Tomas, 25-17, 21-25, 22-25, 25-21, 15-11, upang maitakda ang una nilang finals appearance sa UAAP Season 82 Girls’ Volleyball Tournament nitong Miyerkules sa Paco Arena.

Pinaglalabanan ang nararamdamang leg cramps na nagsimula sa kalagitnaan ng laro, nagposte rin si Kate Santiago ng 26 puntos mula sa 19 atake, apat na service aces at tatlong blocks upang pamunuan ang Baby Lady Falcons.

Umaasa ang Adamson na madadala nila ang momentum sa pagsagupa nila sa National University-Nazareth School sa Finals na magsisimula sa Linggo ganap na 12:00 ng tanghali sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nauna ng binura ng Baby Lady Falcons twice-to-beat na benthe second seed Junior Tigresses nitong Linggo sa pamamagitan ng 22-25, 25-23, 25-16,25-20 panalo.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Nanguna ang substitute na si Samantha Maranan sa itinala nitong 18 puntos para sa UST.

Sa boy’s division, naitakda naman ang pagtutuos ng National University-Nazareth School at Far Eastern University-Diliman sa ikalawang sunod na pagkakataon sa finals matapos nilang magwagi sa kani-kanilang nakatunggali.

Iginupo ng back-to-back title-seeking Bullpups ang second seed University of the East, 18-25, 25-18, 25-23, 11-25, 17-15, habang pinataob ng topseed Baby Tamaraws ang University of Santo Tomas, 25-22, 25-20, 29-27.

Sisimulan ang best-of-three title series ng NU at FEU ganap na 10:30 ng umaga sa darating na Linggo sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Umiskor si Michaelo Buddin ng 26 puntos kasunod si Arvin Bandola na may 25 puntos upang pangunahan ang nasabing panalo ng Bullpups.